Dapat imbestigahan

Ilanga raw matapos ang nangyaring pamamaril ng suspek na si Dr. Chao Tiao Yumol sa loob ng Ateneo de Manila University noong Linggo, 24 Hulyo 2022, pinatay naman ang kanyang ama ng riding-in-tandem sa Lamitan City, Basilan kayat palaisipan tuloy kung sino ang nasa likod nito.

Base sa ulat ng Philippine National Police (PNP) Bangsamoro Autonomous Region, iniulat ang pamamaril ganap na alas-7 ng umaga noong Biyernes, 29 Hulyo 2022.

Sa inisyal na imbestigasyon ng nangyari ang pamamaril sa harap mismo ng bahay ng biktimang si Rolando Yumol, ganap na alas-6:55 ng umaga sa Rizal Street, Barangay Maganda, Lamitan City, Basilan.

Ayon sa ulat, naisugod pa ng mga miyembro ng 53rd Special Action Companies-PNP-Special Action Force ang biktima sa Lamitan District Hospital, bagamat binawian na ito ng buhay.

Sinabi ng mga otoridad na nasa labas ng kanyang bahay ang biktima nang bigla na lamang siyang pagbabarilin ng dalawang suspek na sakay ng isang itim na motorsiklo.

Isang retiradong pulis ang tatay ni Yumol mula sa Barangay Maganda, Lamitan City.

Bagamat nakikiramay tayo sa mga biktima na pinatay ni Yumol, hindi naman sagot ang pagpatay sa kanyang ama para sa paghihiganti.

Dapat ay imbestigahang mabuti ng mga otoridad ang nasa likod ng pagpatay para pagbayarin sa kanilang krimen.

Kagaya ni Yumol na nakakulong na ngayon at nakasuhan na sa ginawang kriminalidad, tiyakin na pananagutin din ang nasa likod ng nangyaring pagpatay.

Hindi kinukunsinti ng mga Pinoy ang karahasan sa bansa, kayat dapat ay magsagawa ng malalimang imbestigasyon sa kaso.

Hangad natin ay hustisya para sa dalawang panig.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *