Kahit nakuha ng komedyanang si Herlene Budol ang first runner-up plum sa katatapos lamang na Binibining Pilipinas 2022, mukhang wala na umanong plano na sumali pang muli sa mga beauty contest ang dalaga.
Sa isang panayam matapos ang grand coronation, natanong si Herlene kung may plano pa siyang sumali uli sa mga pageant.
“Yun po yung di pa natin alam. God’s will ‘yan. Antayin lang po natin kung saan po tayo dalhin ng panahon. Pero ang sigurado ay babalik po tayo ng showbiz at siyempre, gagampanan ko rin po yung mga trabaho ko na kailangan pong gawin sa Binibini. Kaya see you, GMA!” sabi ng dalaga.
First time nag-join ng pageant ang dalaga at in fairness naging “Hakot Queen” naman siya dahil sa dami ng naiuwi niyang special awards.
At sa 12 semifinalists na naglaban-paban sa last round, si Herlene lang ang sumagot sa Tagalog.
Ang tanong sa kanya ng huradong si Cecilio Asuncion (founder and director ng Slay Model Management), “A beauty pageant is a space for transformation. What has been your biggest character transformation since you joined and how could this make you deserving of a crown tonight?”
Pero isinalin din niya ito sa Tagalog, “Ang beauty pageant ay isang lugar para sa transpormasyon. Anong transpormasyong importante ang nangyari sa iyo habang nandito ka sa Binibining Pilipinas.”
Tugon ni Herlene, “Para sa ‘kin, isang karangalan na nakatungtong ako dito sa Binibining Pilipinas bilang isang binibining hindi inaasahan.
“Para sa ‘kin, ang sarap palang mangarap. Ang sarap mangarap. Walang imposible. Isa po akong komedyante na laki sa hirap, at ang aking transpormasyon ay ang magbigay ng inspirasyon. Because I know for myself that I am uniquely beautiful with a mission,” aniya pa sabay saludo.
Marami naman ang nagsabi na deserving makakuha ng korona at titulo si Herlen dahil sa ipinakita niyang performance sa swimsuit at evening gown competition at maging sa question and answer round ay lumaban din ang dalaga.