Hindi maikakaila na hanggang ngayon ay nariyan pa rin ang banta ng coronavirus disease (COVID-19) sa bansa kahit pa may mga hakbang nang ginagawa ang dati at bagong pamahalaan upang masigurong hindi na magkakaroon ng surge ng nakamamatay na sakit.
Nitong mga nakaraang linggo lamang ay nakapagtala ang Department of Health (DoH) nang pagtaas ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 at mayroon na ring banta ng kinatatakutang monkeypox na nakapasok na rin sa bansa.
Kaya naman, maging si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nananawagan na rin sa sambayanan na magpabakuna na dahil mayroon namang nakalaan na bakuna para sa mga mamamayan.
“Wala tayong ibang panlaban sa COVID kundi vaccine. Huwag na nating intayin na dumami pa ang mga kaso at maging mahirap na naman ang ating pagpunta sa trabaho at paglabas ng bahay,” saad ng Pangulo sa kanyang pagdalaw sa Pasig City kung saan nagsasagawa ng vaccine rollout ang local government doon.
“Sa aking palagay, kaya na nating ma-control ito kaya’t di na tayo magla-lockdown, lalo na ‘pag naging matagumpay ang ating roll out,” dagdag niya.
Kung matatandaan, naglunsad ang pamahalaan ng vaccination program na “PinasLakas” upang maipagpatuloy ang pagbabakuna sa lahat lalo na at inaasahang ipatutupad na ang in-person classes sa bansa Nobyembre ngayong taon.
“Ang rekomendasyon ng DoH, ‘wag lang mga bata. Lahat na dapat mapa-booster para ligtas sila sa COVID, sa omicron and its variants,” sabi pa ng Pangulo.
Ang PinasLakas ay naglalayong makapagbigay ng booster shots sa 23 milyong eligible people sa loob ng first 100 days ng Marcos administration at ayon kay DoH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire, target ng programa na makapagbigay ng nasa 397,000 first booster jabs bawat araw.
Dagdag pa ni Vergeire, dadalhin ang programa sa mga komunidad taliwas sa nakagawian nang pagpapapunta sa mga vaccination centers.
Sana ay maging matagumpay ang programang ito upang kahit paano ay maibsan na ang pangamba na lalong dumami ang mahahawahan ng nakamamatay na sakit na ito.
Kaya sa mga kababayan natin na wala pang bakuna, magpabakuna kayo.