MANDATORY ROTC, IBASURA!

Ilang grupo ng mga estudyante, guro at maging ng mga magulang ang nananawagan sa pamahalaan nitong Lunes na ibasura na umano ang panukalang pagpapabalik ng mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC).

Ayon sa grupong No to Mandatory ROTC Network, “pekeng nasyonalismo” umano ang programa at magiging dagdag-pasanin lang sa mga estudyante na abala na sa academic workload.

Sinabi rin ng grupo na nirerespeto ng 1987 Constitution ang karapatan ng mga mamamayang mamili kung personal, military o civil ang gagawin nitong pagseserbisyo sa bayan.

“The government cannot decide how students express their nationalism. The component programs of the National Service Training Program (NSTP) such as the Citizen Welfare Training Service (CWTS) and the Literary Training Service (LTS) offer various ways students can engage in nation-building, including learning relevant topics such as disaster response, health and education,” saad ng grupo.

“Dahil daw sa nangyaring earthquake ay nararapat na ibalik ang mandatory ROTC para mas marami raw ‘yung pwedeng i-mobilize na kabataan. Napakahina ng ganoong palusot para lang ibalik ang mandatory ROTC. Given yung current na batas natin, ‘yong NSTP Act of 2001, pwedeng pwede nang i-mobilize ang ating mga kabataan kahit walang mandatory ROTC,” sabi naman ni Kabataan Partylist Representative Raoul Manuel.

Dagdag naman ng grupo, marami ring naitalang kaso ng pang-aabuso sa ROTC program noon gaya ng hazing, sexual assault at verbal attack.

Binalikan naman ni Nathan Agustin, pangulo ng student council sa University of Santo Tomas, ang pagkamatay ni Mark Welson Chua, na pinatay umano ng mga kapuwa kadete dahil sa paglalantad ng korapsyon sa programa. Ang kaniyang pagkamatay ang nagbigay daan sa pagtanggal ng mandatory ROTC noong 2002.

Pinangangambahan din ng mga grupo na maging banta sa academic freedom ang ROTC.

Hinaing naman ng ilang magulang at guro na magiging dagdag-bayarin pa ang mga kakailanganing uniporme, gamit at iba pang fees kung gagawing mandatory ang ROTC program.

“Additional expense sa pagbili ng mga uniform, pagkain at mga kontribusyong tinatawag. Ang panawagan nga namin dito, imbes na ibigay ‘yung budget sa ROTC, ibigay ngayon sa classroom o ligtas na pagbabalik ng paaralan,” sabi ni Vlademir Quetua, chairperson ng Alliance of Concerned Teachers.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *