Mukhang hindi pa yata talaga matatapos ang kalbaryo na nararanasan ng mga Pinoy, dahil talagang sunud-sunod na ang mga problemang kinakaharap ng bansa.
Bukod sa banta ng coronavirus disease (COVID-19) at mga variants nito, nariyan rin ang kinatatakutang monkeypox virus na napaulat nang nakapasok na sa bansa at siyempre, ang wala yatang katapusang pagtaas ng presyo ng langis at ilang mga pangunahing bilihin.
At eto pa, dahil na rin sa naranasang lindol sa Abra at ilan pang lugar sa Northern Luzon, mukhang hindi na rin mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng mga gulay.
Sa Metro Manila ngayon, nararanasan na ang pagtaas-presyo ng ilang klase ng gulay dahil umano sa kulang na supply at kabilang dito ang sibuyas na paunti-unti umano ang pagde-deliver sa mga pamilihan sa Kamaynilaan.
Sa ilang mga pamilihan, pumalo na sa P220 ang kada kilo ng puting sibuyas mula P190.
Ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag), ubos na ang lokal na produksyon ng puting sibuyas kaya tumataas ang presyo nito kaya iminumungkahi ng grupo ang pag-angkat nito lalo’t may mga report na may ipinupuslit umanong puting sibuyas papuntang Luzon.
“Sa ngayon kasi ‘yong storage kasi ng sibuyas na puti, up to this month, wala nang masyadong stocks talaga kaya puwede naman mag-issue ulit ng import permit para at least makapasok ‘yong white na sibuyas,” saad ni Sinag chairperson Rosendo So.
“May mga naririnig kaming smuggled na pumapasok. So dapat matukoy kung saan ‘yong pumapasok na smuggled. Galing south eh. Galing Mindanao, dinadala dito sa Luzon,” dagdag niya.
Bukod sa sibuyas, tumaas din ang presyo ng carrots.
Sa Trabajo Market sa Maynila, halimbawa, nasa P100 na ang kada kilo ng carrots mula P80 hanggang P90 noong nakaraang linggo.
Bagaman naantala ang pagbiyahe ng mga gulay mula Benguet noong nakaraang linggo dahil sa lindol, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na normal na ngayon ang dating supply ng gulay sa Metro Manila mula norte.
Inaalam na rin ng DA ang dahilan ng doble hanggang tripleng patong sa presyo ng gulay sa mga pamilihan kahit mababa ang farm gate price ng mga magsasaka sa Benguet trading post.
“From the time sa trading post bago po makarating sa Metro Manila, ang dami na pong pinagdaanan na traders ng ating gulay. Siyempre magpapatong sila nang magpapatong hanggang sa makarating sa ating tindera,” paliwanag ni Agriculture Undersecretary Kristine Evangelista.
“’Yong pag-ayos po ng value chain, we want it to minimize the layers of traders,” dagdag pa niya.
Sa ngayon, ang kailangan ng mga Pinoy ay kaunting pagtitiis pa at siyempre, ang pagtitipid, dahil hindi na biro ang mga gastusin ngayon.
Sana lang ay makahanap na nang pangmatagalan na solusyon ang bagong pamahalaan upang kahit paano ay maibsan ang nararanasang hirap ng ating mga kababayan.