Isang magandang istratehiya ang ginagawa ngayon ng ilang mga local government units (LGU) sa bansa upang himukin ang mga mamamayan na magpabakuna at magpa-booster shots laban sa coronavirus disease (COVID-19).
Ang ilang mga LGU ay parang nagpapa-promo na kung saan may libreng bigas na makukuha sakaling magpabakuna sila laban sa nakamamatay na sakit.
Isa rito ang lokal na pamahalaan ng Carmona sa Cavite na nais hikayatin ang mga residenteng magpaturok kontra COVID-19 sa harap ng tumataas na bilang ng mga bagong kaso.
Limang kilong bigas ang ibinibigay ng Carmona LGU sa bawat pamilya na may apat na miyembrong tatanggap ng bakuna.
Dinadala rin umano sa mga kompanya sa bayan ang mga bakuna upang maibigay ito sa mga empleyadong madalas abala sa trabaho.
Namamahagi rin ng ayuda ang municipal social welfare department ng Infanta, Quezon, kung saan nakaabang mismo sa vaccination site ang libreng bigas para sa mga magpapabakuna.
Pareho ang diskarte sa Cabuyao, Laguna kung saan may pangakong bigas din ang LGU sa mga pamilyang kumpleto ang bakuna, bagaman hindi pa inilalabas ang panuntunan kaugnay rito.
Nauna nang naglunsad ng “PinasLakas” campaign ang Department of Health (DoH) para palakasin ang pagtuturok ng booster shot bilang dagdag proteksiyon laban sa COVID-19.
Sa huling datos mula sa DoH, 71 milyon na ang fully vaccination sa bansa habang 16.2 milyon ang tumanggap ng booster dose.
Maganda ang hangarin ng mga LGU na makatulong sa mga mamamayan habang hinihikayat nilang magpabakuna ang lahat.
Pero sa ganang amin, kahit siguro walang libreng pamigay ng kung ano-ano ay kailangan talagang magkaroon ang bansa na tinatawag na herd immunity, dahil ito lamang ang paraan sa ngayon upang makabalik na sa normal ang pamumuhay ng mga tao.
Hangad ng pamahalaan na sa mga darating na panahon, magiging endemic na lamang ang COVID-19 kaya kailangang magkaroon ng proteksyon ang lahat.