Kaso ng covid-19 sa lung center, kontrolado

Inihayag ng pamunuan ng Lung Center of the Philippines na kontrolado pa rin umano ang bilang ng mga pasyenteng nai-aadmit sa ospital at ayon sa isang doctor, mababa pa ang bilang ng mga naka-admit na pasyente sa kanilang pagamutan.

“Yung admission, I think we’re still under control ‘no, nasa mga 30 percent lang ang ating occupancy,” ayon kay Dr. Randy Joseph Castillo, pinuno ng COVID Triage ng Task Force ng nasabing ospital at dadag niya, karamihan sa mga naka-admit sa ospital ay mga hindi bakunado o hindi pa nakakakuha ng kanilang booster.

“Kaya talagang lagi naming sinasabi at nakikita namin sa trend na talagang yung mga pasyenteng nag-booster, lalo na kung naka-2 na…sila po talaga yung mga hindi naa-admit,” sabi ni Castillo.

Kung matatandaan, inanunsiyo ng Department of Health (DoH) nitong Martes na nakapasok na sa bansa ang mas nakahahawang COVID-19 omicron BA.2.75 subvariant.

Ayon sa Health department, ang mga pasyente ay nagmula umano sa Western Visayas pero bini-verify pa ang kanilang mga travel histories at kung saan sila na-expose.

Ang subvariant na tinatawag ring “Centaurus” dahil sa mabilis na pagkalat nito, ay unang nadetect sa India noong Mayo ngayong taon.

“Apparently based on studies and experience of other countries, this is more transmissible and this has also more immune evasion compared to the BA.5. Wala pa siyang ebidensiya na ito ay nakaka-cause ng more severe infection,” saad ni DoH OIC Maria Rosario Vergeire.

Nasa 24,100 ang naitalang kaso ng COVID-19 sa bansa mula Hulyo 25 hanggang 31, batay sa pinakahuling datos mula sa DoH.

Sa kabuuan, nasa 3,780,178 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 mula 2020, habang nasa 60,737 ang death toll, ayon sa ahensya.

Samantala, hindi pa umano nakakakita ng dahilan ang DoH para muling maghigpit o magsara ng border ang Pilipinas kahit pa na-detect ng bansa ang unang kaso nito ng monkeypox.

“Even the WHO (World Health Organization) has declared that this virus, the threat of this virus is low to moderate risk. At sinabi nila na hindi natin kailangan itigil ang trade, ‘di kailangan mag-restrict ng borders,” sabi ni Vergeire.

Ayon kay Vergeire, handa ang gobyerno na tumugon sakaling dumami pa ang tatamaan ng monkeypox sa bansa. Kabilang umano rito ang paghahanda ng mga medical worker at pasilidad, at dagdag na kakayahang mag-test ng mga laboratoryo sa iba-ibang panig ng bansa.

Sa ngayon, kaya ng Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa na mag-test ng nasa 1,000 sample kada araw para sa monkeypox. Dahil dito, tanging ang mga may sintomas gaya ng lagnat at skin lesions ang isinasailalim sa test.

Hindi rin umano gaya ng COVID-19 na mas madaling makahawa, nakukuha ang monkeypox sa pamamagitan ng skin-to-skin contact, paggamit ng beddings ng taong may monkeypox o pangmatagalang face-to-face interaction sa may sakit.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *