Dahil nalalapit na ang implementasyon ng face-to-face classes sa National Capital Region, kailangan talagang magkaroon ng paghahanda upang masigurong hindi magiging parang super-spreader event ng COVID-19 ang mangyayaring in-person classes sa Nobyembre.
Bukod sa pagbabakuna, sinisiguro rin ng pamahalaan na masusunod ang mga itinalagang health at safety protocols gaya nang pagsusuot ng mask, palagiang paghuhugas ng kamay at social distancing.
At dahil na rin malapit na ngang magbalikan ang mga estudyante sa mga eskuwelahan, naghahanda na rin ang mga dormitoryo at mga school canteen sa Metro Manila sa nalalapit na face-to-face classes ng ilang paaralan ngayong buwan.
Ang Jolly Dormitory sa Sampaloc, Maynila, binawasan ang kapasidad ng kada kuwarto. Pinalawak din nila at nilagayan ng espasyo ang dibisyon ng mga ito at dapat umanong fully-vaccinated ang tenant o magpakita ng negative result ng swab test bago tanggapin.
May nakahanda rin silang isolation area oras na may magpositibo sa COVID-19.
Sa Freedom Dormitory naman, dalawang estudyante lang ang pinapayagang manatili sa isang kuwarto at handa na rin sila sakali mang may magpositibo sa COVID-19.
Ayon sa Office of the City Administrator ng Maynila, iniinspeksiyon nila ang mga dorm kung ito ay malinis at ligtas tirhan.
Aabot sa 43 sa mahigit 200 nauna nilang inspeksyon ang nag-renew at operational sa ngayon.
“We follow the IATF regulation since we are in level 1, 50 percent lang ng capacity ang allowable, number two we make sure that yung fire safety kailangan i-observe nila. That’s the most important thing kailangan dumaan lahat sila sa fire department inspection,” saad ni Manila City administrator Bernardito Ang.
Babala ng Office of the City Administrator sa mga lalabag na dormitoryo na maaaring maipasara ito at maharap sa criminal liabilities ang may-ari at hinikayat din nila ang mga tenant na i-report ang paglabag ng mga dormitoryo.
Hindi na maiaalis na talagang excited na ang mga estudyante at mga guro na magbalik na sa mga paaralan matapos matengga sa bahay ng halos dalawang taon. Pero kailangan pa ring sundin ang mga umiiral na protocols upang hindi na kumalat pa ang COVID-19 at magkaroon ng surge.