Inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Biyernes na kasabay nang pagtaas sa presyo ng mga bilihin at serbisyo tumaas ang inflation rate sa bansa sa 6.4 percent nitong Hulyo na kinokonsiderang pinakamabilis na pagtaas sa nakalipas na tatlong taon.
Ayon kay PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, na mas mataas ng tatlong porsiyento ang inflation sa July, kumpara sa 6.1 percent noong nakaraang June at noong July 2021 naman, nasa 3.7 percent lang ang inflation rate.
Noong Oktubre 2018, naitala ang 6.9 percent na inflation rate at bago nito, naglabas ng pagtaya ang Bangko Sentral ng Pilipinas na maglalaro ang inflation ng July nang mula 5.6 percent hanggang 6.4 percent.
Gayunman, pasok pa sa target ng pamahalaan ang inflation limit sa 4.5 percent hanggang 5.5 percent para sa kabuuang taon ng 2022. Mula Enero hanggang Hulyo, nasa 4.7 percent ang year-to-date inflation rate.
“Ang dahilan ng mataas na antas ng inflation nitong Hulyo 2022 ay ang mas mabilis na pagtaas ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages. Ito ay may 6.9 percent inflation at 64 percent share sa pagtaas ng pangkalahatang inflation sa bansa,” saad ni Mapa.
Dagdag pa niya, ang inflation umano sa mga isda at iba pang seafood items ay tumaas ng 9.2 percent mula sa 6.7 percent noong June. Ang karne at iba pang “slaughtered animals” ay umangat sa 9.9 percent ang bilis ng pagmahal mula sa dating 8.1 percent.
Samantalang ang asukal, confectionary, at mga panghimagas, sumipa sa 17.6 percent mula sa 10.9 percent.
Sabi pa ni Mapa, ang pangalawang nagpasipa sa inflation ay ang pagsirit din ng Transport index sa 18.1 percent mula sa 17.1 percent at tumaas din ang inflation sa commodity group tulad sa Restaurants and Accommodation Services index na nagmarka ng 3.4 percent mula sa dating 2.8 percent noong June.