Ilang mga overseas Filipino workers (OFW) sa Oman ang nangangamba ngayon dahil posible umanong mawalan na sila ng trabaho matapos maglabas ng desisyon ang Omani Labor Ministry na ipagbawal sa foreign workers ang mahigit 200 trabaho dahil sa tinatawag na Omanization ng gobyerno.
Ang resolusyon ay inilabas noong July 17 2022 ni Oman Labour Minister Dr. Mahad bin Said Saówain at base sa Ministerial Resolution no. 35/2022, ipinapatigil na ang pagbibigay ng work visa para sa 207 trabaho para sa expatriates o foreign workers para bigyang prayoridad sa trabaho ang OmanI job applicants.
Dagdag pa ng resolusyon, hindi na magbibigay o magre-renew ng visa ang Oman para sa nagtatrabaho sa mga propesyong tulad ng Director level positions sa Human Resources, Personnel , Public Relations, Filling Station, Deputy Director-General, Deputy Director, Training Supervisor, at Assistant General Director.
Kasama rin ang mga trabahong tulad ng Legal Clerk, Store Supervisor, HR Technician, Systems Analysis Technician, Customs Clerk, Flight Operations Inspector at Librarian sa work ban list.
Pero nilinaw naman ni Labor Attache Greg Abalos hindi dapat mangamba ang halos limampung libong Pilipino sa Oman dahil karamihan sa mga trabaho o posisyong kabilang sa Omanization ay walang gaanong Pinoy.
“It’s not something to be worried about kasi yung mga naapektuhan hindi naman basically yung mga trabaho ng ating mga kababayan dito sa Oman,” sabi ni Abalos.
Paliwanag pa niya, matagal na ang Omanization program ng Omani government kung kaya gumagawa ng paraan ang pamahalaan ng Pilipinas para magkatrabaho o mailipat sa ibang industriya ang ibang manggagawang Pinoy.
“Nakausap ko ang isang Korean company na nagsabi na they are expecting for next year na magha-hire ng technical workers mostly in the engineering field to work dito sa Oman under their company,” dagdag ni Abalos.
Sabi ni Abalos, sa kabila ng nagaganap na Omanization, nadagdagan pa nga ang bilang ng job orders na pinoproseso ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) ngayon.
Kung sakaling maapektuhan, may reintegration program ang Department of Migrant Workers para sa mga Pinoy na uuwi ng Pilipinas.