Dahil sa napipintong pagrollback ng presyo ng langis ngayong linggong ito, maraming public utility vehicle drivers ang nagpahayag ng kasiyahan dahil malaki umano ang inaasahan na ibababa ng presyo ng krudo.
Nasa P2 hangang P2.40/litro sa krudo at gasolina habang nasa P2.50 hangang P2.75/litro sa kerosene ang ibababa umano sa darating na Martes.
Ayon sa mga namamasada, malaking bagay ang halos ilang linggo nang rollback sa krudo at mas nadagdagan umano ang naiuuwi nila sa kanilang pamilya.
“Magaan sa pakiramdam kasi nabawasan na yung presyo ng krudo kasi sobrang taas kasi,” ayon sa jeepney driver na si Roberto Ramirez.
Ayon naman sa jeepney driver na si Gerardo Roque, hindi na siya mahihirapan na mag-uwi ng P400-P500 sa pamilya sa isang araw na pamamasada.
Kung mas bumaba pa, pabor din siya na ibaba na rin ang pamasahe lalo’t magpapasukan na. May dalawa din kasi siyang estudyanteng anak.
“Okay lang na magbawas na, sa pamasahe din hintayin na lamang namin kung kelan din magbaba. Malaking bagay na yan kasi para din naman yan sa commuters eh,” sabi ni Gerardo.
Pero mas malaking kaginhawaan umano kung mas bumaba pa ang presyo nito gaya nung mga nasa mahigit P50 lang ang kada litro lalo’t ngayon na patuloy ang pagtaas ng presyo ng bilihin.
Dalangin namin na sana talaga ay magtuluy-tuloy na ang pagbaba ng presyo ng krudo dahil kung hindi, hindi rin mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin gaya ng bigas at ilang mga pagkain.