Umapaw nitong Sabado ng gabi ang Butuanon River dahil sa buhos ng ulan kung kaya naman ilang pamilya ang inilikas mula sa lugar.
Sinabi ni Barangay Pit-os councilor Dexter Bontilao Velayo na mabilis na napasok ng tubig ang mga bahay ng mga residente ng Sitio Tabok dahil sa pagbahang dulot ng pag-apaw ng ilog.
Sa sports complex ng barangay pansamantalang nanunuluyan ang mga inilikas habang inihahanda na ang ayudang ipapamahagi sa mga apektadong pamilya at nagsasagawa na rin ng assessment sa mga napinsalang bahay.
Nakapagtala ang disaster office ng lungsod ng landslide o pagguho sa parehong lugar at sa may Barangay Pulangbato.
Samantala, nangangamba naman ang mga residente ng Barangay Alang-alang, Mandaue City sa posibilidad ng pagbaha, lalo’t hindi pa anila sila tapos maglinis ng kanilang mga bahay na binaha rin noong gabi ng Huwebes.
Nag-ikot ang mga responder ng Mandaue City sa mga barangay malapit sa Butuanon River para ipaalala sa mga residente ang mga banta sa ilog at hikayatin silang lumipat sa mas mataas na lugar.