Suportadong imbestigasyon

Hindi maikakaila na talagang nakakabahala ang mga balitang naglalabasan na nagkakaroon na umano ng wastage sa mga bakunang panlaban sa coronavirus disease (COVID-19) na nakakahinayang kung iisipin.

Kasi naman, hirap na hirap noon ang pamahalaan na maghanap ng bakuna noong unang pumutok ang pandemya sa bansa at talagang nagkanda-utang ang gobyerno para lamang masigurong hindi mapag-iiwanan ang Pilipinas sa mga bakuna laban sa nakamamatay na sakit.

Kaya ang pagkasayang ng mga bakuna ay isang malaking isyu ngayon at ilang mga mambabatas na ang nagtatawag ng imbestigasyon kung ano ba talaga ang nangyari at bakit naabutan ng expiration date ang mga bakuna.

Ang isinusulong na imbestigasyon sa pamunuan ng Department of Health (DoH) kaugnay ng mga na-expire na bakuna ay suportado rin ng ilang mga doktor.

Ayon kay Dr. Maricar Limpin, immediate past president ng Philippine College of Physicians, mahalagang magkaroon ng transparency at accountability ang ano mang tanggapan ng pamahalaan.

Importante rin aniya ang imbestigasyon para masilip ang mga problema sa bakunahan at malaman ang mga hakbang na maaring gawin para solusyonan ito.

“I think we need to start thinking about the accountability of government offices. Hindi ko naman sinasabing may problem. But still, that is just expected that government should be accountable for any actions na gagawin nila,” sabi ni Limpin sa isang panayam.

“Kahit na sabihin nating the funds came from the private sector – let us presume – but alam mo ‘yong perang ‘yon, pinaghirapan din ‘yon ng private sector,” dagdag niya.

Ayon pa kay Limpin, posibleng hindi na muli makatanggap ng donasyon ang Pilipinas mula sa COVAX Facility kung mapatutunayan ang kapabayaan sa mga nasayang na bakuna.

“’Yong COVAX, sila po ang nagdo-donate tapos malalaman nila na wasted lang ‘yung mga bakuna na ibinigay,” saad ng doktora.

Nauna nang sinabi ni dating Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion na na-expire ang P5.1 bilyong halaga ng COVID-19 vaccines na nasa pribadong sektor dahil huli na ang pagpapalabas ng guidelines ng DOH para ipamahagi ang second booster.

Nauna nang naghain ng resolusyon si Sen. Risa Hontiveros para imbestigahan ang mga ulat ng mga nasayang at nag-expire na COVID-19 vaccines.
concept
Marapat lang na imbestigahan ang nangyari upang maiwasan nang maulit pa ang pagkasayang ng mga bakuna.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *