Sinasabing ang mga guro ang nagiging ikalawang magulang ng mga kabataan kapag sila ay nasa mga paaralan kung saan sila ang humuhubog sa kaisipan at kaalaman ng mga estudyante na makatutulong sa kanilang pagharap sa mga hamon ng buhay.
Pero bukod sa pagiging ikalawang magulang, ang mga guro rin ang nagiging sandigan ng katotohanan at bantay ng masa kapag nagkakaroon ng eleksyon sa bansa, dahil sila ang tumatayong mga poll workers na nagsisigurong maaayos na maisasagawa ang eleksyon.
Hindi biro ang maging poll woker, lalo na kapag national at local elections ang pag-uusapan dahil hindi lamang dugo’t pawis ang kanilang ibinibigay kundi maging ang kanilang mga buhay lalo na sa mga lugar na nagkakaroon ng election-related violence.
Kaya naman hindi masama kung mananawagan ang mga guro ng karagdagang bayad sa kanilang serbisyo sa tuwing nagkakaroon ng eleksyon sa Pilipinas.
Ang problema lang, hanggang ngayon ay hindi pa rin natutugunan ng pamahalaan ang hiling ng mga guro na dagdagan ang kanilang mga allowances kung sila ay nagsilbi sa eleksyon.
At ang matindi rito, vineto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang batas na nagbibigay ng tax exemption sa mga nagsisilbi sa panahon ng halalan.
Nitong Lunes naman, nangako ang Commission on Elections (Comelec) sa mga guro na gagawin nila ang lahat para maibsan ang kanilang hirap sa pagtatrabaho bilang poll worker.
Ilang guro na ang nagsabing hindi na lang sila magtatrabaho sa eleksyon ngayong bubuwisan na ang kanilang honoraria at allowances.
“Nakikiusap tayo sa ating mga guro, ang inyong Commission on Elections po ay gagawa ng lahat ng paraan, naintindihan po namin ang inyong nararamdaman, gagawin po namin ang lahat ng paraan, ito po’y amin nang obligasyon sa kasalukuyan, upang kahit paano naý maibsan yung inyong paghihirap sa araw po ng halalan,” saad ni Comelec chairman George Garcia.
Dagdag pa ng opisyal, pag-uusapan na ng komisyon kung magkano ang idadagdag sa allowance ng mga guro.
Una nang nasabi ni Marcos na maaaring mabigyan ng ayuda ang mga guro na magsisilbi sa botohan.
Hindi lang ayuda ang kailangan ng ating mga guro na nagsisilbi sa halalan kundi ang kasiguruhan na magiging mataas ang kanilang makukuhang allowances dahil talaga namang hindi biro ang kanilang ginagawa.
Kaya ang panawagan namin, sana naman ay madagdagan ang allowances ng mga guro natin.