Matapos ang kanyang stint sa nakaraang Binibining Pilipinas 2022, sinabi ng talent manager ni Herlene Budol na sasali ang dalaga sa isang international pageant sa kabila ng mga statements ni Herlene na na first and last na pagsali niya sa Binibining Pilipinas.
Ayon sa talent manager niyang si Wilbert Tolentino, hindi magtatapos sa isang national pageant ang journey ni Herlene bilang isang aspiring beauty queen.
Kung matatandaan, itinanghal na first runner-up si Herlene sa Binibining Pilipinas 2022 at wala siyang natanggap kahit isa sa apat na major title na ipinamigay sa naturang pageant na siyang ilalaban ng bansa sa international competition.
Kung may isang kandidata na hindi makakalaban sa kanilang respective international pageants sa anumang kadahilanan, si Herlene ang ipapalit.
Ngunit ayon sa manager ng komedyana, nagpaalam na siya sa Binibining Pilipinas Charities, Inc. at inihanap na raw niya ng sasalihang international pageant si Herlene.
“Gusto ko lang sabihin sa inyo na humingi ako ng basbas ng Binibining Pilipinas na naghanap ako ng international pageant na ilalaban ko pa rin si Herlene,” saad ni Wilbert.
Aniya pa, wikang Filipino ang gagamitin ni Herlene kapag lumaban siya international pageant tulad ng ginawa niya sa Binibining Pilipinas.
Pagkumpirma rin ni Herlene, “Sabi nga ni Sir Wilbert, meron pa po tayong mga susunod na laban, kagaya sa international (pageant). Isisigaw ko po doon at handang-handa na po akong sumigaw ng Pilipinas, kahit na Tagalog. Dahil Filipino po ako. Proud po ako na nagsasalita po ako ng wikang Filipino. Taglish man o bobo man sa inyong paningin, e, para sa akin hindi lang po basehan ang pag-i-English pagdating sa katalinuhan.”