Sa kabila ng tensyon sa pagitan ng China at Taiwan, tuloy pa rin ang araw-araw na gawain ng mga Pilipino sa Taiwan subalit may panawagan ang Filipino community sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.
Kung matatandaan, nagsagawa ng tatlong araw na live-fire drill sa karagatan malapit sa Taiwan ang People’s Liberation Army ng China ilang araw matapos bumisita ni US House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan.
Pero ayon sa Ministry of National Defense ng Taiwan, magsasagwa na rin ng live-fire military drill ang Taiwan sa Linggo bilang bahagi ng tinatawag nilang ‘test combat readiness.’
Sa gitna ng umiinit na tensyon, nananatiling mapayapa sa Taiwan at tuloy ang pang araw-araw na gawain ng mga tao at wala ring nakataas na alert level. Normal pa ring nagsasagawa ng events ang Filipino community sa Taiwan.
“Wala naman pong panic na nagaganap dito sa Taipei, nakakalabas naman po kami. Gaya ngayon andito kami nagpa-process ng papers. Kaya ‘wag po mag-alala ang mga family namin sa ‘Pinas na nagkakaroon na ng war dito, ok naman kami lahat dito,” sabi ng Pilipinang si Avelina De Asis, nursing home caregiver sa Taipei.
“I think at the moment there are different voices in Taiwan about the situation. That’s a good thing because I guess that reflects democracy,” pahayag naman ni Taiwan journalist William Yen.
Para sa Filipino community sa Northern Taiwan, wala pang dapat ipag-alala ang mga Pinoy sa kanilang sitwasyon.
“Kaya nga po panawagan natin sa mga kababayan natin sa Philippines lalo na yung may mga pamilya dito sa Taiwan na OFWs, I will assure you po na maayos po lahat. At alam din po ‘yan ng Filcom leaders.
Lahat po kami nagkakaisa kung paano namin maayos ang sitwasyon dito sa Taiwan,” sabi ni Filcom Northern Taiwan Secretary General Mercy Kuan.