Isinailalim na ang buong Occidental Mindoro sa state of calamity nitong Biyernes matapos ideklara ito sa sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ng probinsya upang matugunan umano ang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng dengue sa probinsya.
Base umano ang desisyon ng pagdedeklara sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council.
Ayon sa mga opisyal, ang pagdedeklara ng state of calamity ay makapagbibigay daan sa mga opisyal na kontrolin ang presyo ng mga produkto at gamitin ang pondo para sa kalamidad. Puwede ring makautang ang mga residente sa gobyerno nang walang interes.
Nasa 2,000 na umano ang naitatalang kaso ng dengue sa lalawigan ngayong taon base sa tala ng provincial health office at ayon naman kay Sablayan Mayor Walter “Bong” Marquez, posibleng isa sa dahilan ng pagdami ng mga tinatamaan ng dengue sa kanilang bayan ay ang brownout.
Tuwing gabi aniya ay marami ang pinipiling matulog sa labas ng bahay dahil sa init kapag hindi makagamit ng electric fan at air conditioner.
Nauna nang nagdeklara ng state of calamity ang mga bayan ng San Jose at Sablayan sa probinsya.
Kung matatandaan, sinabi ni Provincial Health Officer Dr. Ma. Teresa Tan na nasa 1,810 na ang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng dengue at 9 na rin ang namatay.
“Puwede nang mag-procure ang mga munisipyo once na-declare ng province [ang state of calamity], kaniya-kaniya na silang purchase [ng] dengue test kits, misting machines, reagents na ginagamit sa misting machines, yung reagents para magawa ng complete blood count, platelets count kasi according to one of our med-techs yung alloction nya for one quarter naubos na in 1 ½ months sa dami ng nagpa-patest,” sabi ni Tan.
Dumoble ang bilang ng mga nagkakaroon ng dengue sa buong bansa, ayon sa datos ng Department of Health.
Base sa datos ng Department of Health, pumalo sa 82,597 ang kaso ng dengue sa bansa nitong taon (mula Enero 1 hanggang Hulyo 26) na mas mataas nang higit 100 porsiyento kumpara sa parehong panahon noong 2021.