Nagpaalala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Sabado sa mga residenteng nakatira malapit sa Taal Volcano na manatili sa bahay muna at isara ang mga pinto at bintana kasunod ng sulfuric emission ng naturang bulkan.
Sinabi ni Phivolcs chief Renato Solidum na ang ilang barangay sa bayan ng Agoncillo, Laurel, at Talisay sa Batangas nitong Huwebes ay nakaranas ng pagkaamoy ng sulfur dioxide at nagkakaroon umano ng pagka-irita sa mata at lalamunan ng mga residente dahil sa maraming ibinugang sulfur dioxide gas mula sa main crater ng Taal.
Bukod sa pag-iwas sa pagpunta sa bulkan, pinayuhan ni Solidum ang mga residente na pangalagaan nila ang kanilang kalusugan sa pamamagitan ng pananatili sa kanilang kabahayan o gusali.
“Sarado ang mga bintana at pintuan, at kung sila ay nalanghap, uminom ng maraming tubig para maibsan ang pangangati ng lalamunan at ma-dilute ‘yung gas. Kung sila ay nasa labas, mainam na meron po silang N95 mask kasi po ito ay nakakapigil sa mga pinong particulates tulad ng gas,” saad ni Solidum.
“Kung walang N95 yung mga mask ay pwede naman at dagdagan pa ng cloth clover o ‘di kayang basang panyo o damit para ma-filter out ‘yung gas. Importante po na meron silang protection,” dagdag niya.
Umabot na sa P6.5 million ang pinsala sa mga taniman, habang P5.7 million sa mga palaisdaan sa Batangas dahil sa volcanic smog ng Taal.
May mga naitala namang fish kill o namatay na bangus at tilapia sa Agoncillo at Laurel dahil sa low dissolved oxygen, dagdag niya.