SUNOG SA BACOOR!

Isang malaking sunog ang sumiklab sa Bacoor City, Cavite nitong Biyernes ng hapon kung saan nilamon ng apoy ang mga magkakatabing bahay sa lugar na nagdulot nang pagkawala ng mga kabahayan ng aabot sa 150 pamilya.

Ayon sa Bureau of Fire Protection, sumiklab ang sunog bago mag-alas kuwatro ng hapon sa Tramo sa Barangay Maliksi II at dagdag nito, gawa sa light materials ang nasa 50 kabahayan sa lugar kaya mabilis kumalat ang apoy.

Naapula naman ang sunog lampas alas-sais ng gabi.

Sinabi ng ilang mga residente na nakarinig sila ng isang malakas na pagsabog noong nagsimula ang sunog at nagulat na lamang ang mga ito sa bilis ng pagkalat ng apoy kung kaya ang ibang mga residente ay hindi na nakapagsalba ng kanilang mga gamit.

“Pag-akyat ko po sa taas, sobrang kapal na po talaga ng usok hindi ko na po talaga naming kaya kasi ‘yong bahay na pinagsimulan ng sunog tapos ‘yong bahay namin magkatabi lang tapos ‘yong pinakadingding iisa lang kaya ambilis umano ng apoy sa amin. ‘di ko na nakuha mga ID ko doon sa taas,” saad ng isang residente.

Nasa tabi ng creek ang mga bahay na nasunog at nasa loobang bahagi ng lugar mula sa kalsada.

Ayon kay FO1 Manilyn Aguinaldo ng Bacoor City Fire Station, 4 na katao ang naiulat na nasaktan. Dalawa sa kanila ay mga fire volunteer na nag-hyperventilate noong rumisponde sa sunog. Dalawa naman ay mga sibilyan na nahirapang huminga dahil sa usok.

Binigyan sila ng paunang lunas at hindi na dinala sa ospital.

Sa ulat ng BFP, tinatayang P250,000 ang halaga ng pinsala.

Sa ngayon sa mga kamag-anak o barangay tutuloy ang mga nawalan ng tirahan. Nananawagan sila ng tulong partikular ang damit at pagsisimulan muli.

“Sana po matulungan po kaming lahat kasi sobrang dami ng naapektuhan. Wala po talaga kaming naisalba kaya sana po may mag-donate. Kahit ano po mga damit, lalo na po sa mga bata kasi madami pong bata dito sa amin, kawawa naman po, pati po ako may anak po ako, wala po kaming naisalbang kahit isang pirasong damit ng anak ko wala talaga,” saad naman ng isa pang residente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *