Matapos masangkot sa kontrobersya sa umano’y ilegal na resolusyon na inilabas ng ahensya para sa pag-import ng asukal sa bansa, pinagbibitiw sa puwesto nitong Lunes ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang lahat ng opisyal ng Sugar Regulatory Administration (SRA).
Iginiit ni Zubiri na dapat nang magbitiw sa pwesto ang mga SRA official sa gitna matinding kontrobersya ng pag-iimport ng asukal sa inilabas na sugar order number 4 na nag-set ng import quota ng 300,000 metriko tonelada para sa asukal.
Dagdag pa niya, inilabas umano ang utos na ito kahit walang basbas ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang hindi awtorisadong pagpapalabas ng sugar order ay dapat maimbestigahan.
Sa kanyang privilege speech, sinabi rin ni Zubiri na una nang pinigil ng dalawang korte sa bansa ang pag-import ng asukal o ang Sugar Order 3 pero itinuloy pa rin ng SRA ang pag-import.
Pagdidiin ni Zubiri, tila gumagawa rin ang SRA ng artificial shortage sa asukal.
“Meron pa pong 126,336 metric tons in bodegas, 40 foot containers all over Metro Manila and other traders na hindi pa nila inilalabas. Bakit po nila hindi inilalabas itong asukal? Are they creating an artificial shortage? So that when the price skyrockets, diyan nila ilalabas yan at kumita nang katakot-takot? Ang masama nito gusto pa nila mag-import pa,” saad ni Zubiri.
“Bakit hindi sila nagre-resign hanggang ngayon? Particularly the head of SRA? He’s been embroidered by so many controversies and yet kapit-tuko pa siya diyan sa pwesto na yan,” dagdag niya.
Hiniling din ni Zubiri sa Blue Ribbon Committee na imbestigahan ang isyu dahil lumalabas na may usurpation of authority at violation ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act.