Inamin ng young actress na si Jane de Leon na talagang boses niya ang ginamit sa pagsigaw ng iconic Pinoy superhero na si Narda upang maging isang ganap na tagapagtanggol ng mga naaapi.
Nitong nakaraan ay lumipad na sa ere ang Mars Ravelo’s Darna at talaga namang positibo ang mga remarks na nakuha ng serye mula sa mga manonood.
Naipakilala na sa serye ang mga pangunahing tauhan sa kuwento kabilang na nga ang mga karakter nina Jane as Narda, Iza Calzado, bilang nanay ni Narda, Zaijian Jaranilla, Joshua Garcia at iba pa.
Ayon naman sa dalaga, talagang pinaghandaan din niya ang pagsubo ng mahiwagang bato at pagsigaw ng “Darnaaaa!!!” dahil noong mga naunang versions ng fantaserye ay boses nina Jona, Angeline Quinto at ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez ang ginamit para sa pagsigaw ni Jane sa “Darna.”
“Ako po talaga ‘yung sumigaw nu’n. Pinagpraktisan ko po yun sa bahay pati sa banyo,” sabi ng dalaga.
Kinarir daw talaga niya ang vocalization process para maibigay niya ang kailangang timbre at lakas ng pagsigaw bilang Darna.
“Matagal rin na practice. Kasi ang kasama ko riyan ang kapatid ko. Sabi ko, ‘kuya ayos lang ba ang sigaw ko tapos sinasabi niya sa akin kung maganda, kung kailangan babaan tapos ayun nag recording na po ako,” sabi ni Jane.
“Gusto po talaga nila na ako ang sumigaw kaya sabi ko po kay Ate Regs kanina na pressure rin kasi from ate Regine Velasquez, this time ikaw na. Buti na lang nagawa ko siya from how many times ko siya inaral,” dagdag niya.