Programa para sa seniors, dapat ilatag

Nitong nakaraan ay inihayag ng Commission on Population and Development (POPCOM) na tumataas na umano ang populasyon ng mga nakatatandang Pinoy kung kaya naman hinihimok nito ang pamahalaan na maglatag ng programa ang bansa sa tumataas na populasyon ng mga elderlies.

Dagdag pa ng POPCOM, kasama na rin dito ang pagtatayo ng mga care facility at dagdag na oportunidad sa mga nais pang magtrabaho.

“What we need are programs to achieve active and healthy aging. Kasama rito ang mga community-based rehabilitation program. We also need programs for geriatric care as we have an increasing number of older citizens,” mungkahi ni POPCOM Executive Director Juan Antonio Perez.

Mula sa 4,565,560 na Pinoy na higit 60 ang edad noong 2000, ngayon ay umabot na ang populasyon nito sa 9,222,672, ayon sa POPCOM report.

Inaasahan ng komisyon ang pagtaas pa ng bilang ng mga nakatatanda mula 2035 hanggang 2040 na aabot 19 na milyon. Sapat na raw ito para matawag ang populasyon ng bansa na “graying.”

“Eventually, kapag talagang dumadami na, let’s say beyond 10 million ang population, we also have to develop programs for their care, either sa bahay o institutions. That is something that the country has to decide,” sabi Perez.

Dapat din umanong talakayan ng Kongreso ang pagbuo ng mga patakaran tungkol sa pagkakaloob ng trabaho sa mga nakatatanda na nais pang magtrabaho.

Ayon kay Perez, nasa 20% lang ng senior citizens sa bansa ang nakatatanggap ng pensyon. Habang ang iba ay umaasa lang sa suportang pinansiyal ng mga kamag-anak.

“We also have to think about policies on employment of older persons. Pag-isipan, do we need to bring up the retirement age that is something na puwedeng pag-usapan ng Kongreso and also to look part-time work for older citizens?” saad ni Perez.

Sang-ayon kami sa mungkahing ito, dahil talagang kailangan nang bigyan ng pansin ang ating mga senior citizens lalo na yung mga nais pang magbanat ng buto.

Sana lang ay magkaroon na nga ng programa ang pamahalaan para sa ating mga senior citizens upang matulungan pa rin natin sila sa kanilang nais marating.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *