HAGUPIT NI FLORITA!

Nagsimula nitong Martes ang pananalasa ng bagyong Florita sa ilang lugar sa hilagang Luzon kung saan nagkaroon na nang mga pagbaha at landslide bunsod ng malalakas na ulan at hangin na dala ng bagyo.

Kaya naman nagpatupad na ng evacuation sa ilang lugar na dinadaanan ng bagyo.

Sa Cagayan, iniulat ng provincial disaster officer na kabilang sa mga binaha ang bayan ng Baggao, Gonzaga, at Gattaran. Sa bayan ng Baggao, sapilitang inilikas ngayong Martes ang 36 na pamilya o 103 indibiduwal sa may Barangay Taytay-Bantay dahil sa banta ng landslide.

Una nang nagpatupad ng pre-emptive evacuation noong Lunes.

Inilikas din ang ilang pamilya sa Barangay Bagunot at Bitag Grande dahil sa baha, habang hindi naman madaanan ang Sippaga Bridge sa Barangay Nangalinan matapos masira ang approach nito sa pagragasa ng tubig.

Dahil sa malakas na ulan, umapaw rin ang ilog sa Barnagay Carupian at lumubog ang ilang taniman ng mais.

Sa bayan ng Gonzaga, umabot hanggang tuhod ang baha sa Barangay Casitan, kung saan inilikas ang 49 pamilya sa evacuation center.

Sa pinakahuling tala, higit 100 pamilya na ang hinatid sa evacuation centers sa ilang lugar sa mga bayan ng Gonzaga, Gataran, Baggao at Iguig na itinuturing na highly flood-prone areas.

Ayon kay provincial disaster office head Ruelie Rapsing, istrikto nilang ipinatutupad ang health protocols sa mga evacuation center para sa kaligtasan laban sa banta ng COVID-19 at siniguro ring may relief goods para sa mga evacuee.

“Nag-ulat ‘yong ating provincial SWDO (social welfare and development office) ng food and non-food items. Nakahanda naman at naka-preposition sa mga warehouse… anytime may request ‘yong mga municipal SWDO, we cna make any release sa mga relief natin,” sabi ni Rapsing.

Sa Apayao, nagpatupad na rin ng pre-emptive evacuation sa ilang bayan dahil sa mga banta ng landslide at baha at ayon sa Apayao disaster office, higit 70 pamilya ang inilikas mula sa mga bayan ng Sta. Marclea at Sta. Luna.

Binabantayan naman ang antas ng tubig sa Apayao River at landslide-prone areas.

Sa Isabela, inilikas na rin ang mga residenteng nakatira sa coastal areas.

Sinuspinde na rin ni Governor Rodito Albano III ang klase sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan gayundin ang pasok sa mga tanggapan ng gobyerno.

Sa Ilocos Norte, higit 60 bahay ang lubog sa baha sa bayan ng Pinili habang nag-iwan naman ng putik sa kalsada ang ulan sa Batac.

Tiniyak naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council spokesperson Mark Timbal na handa ang kanilang ahensiya sa posibleng pananalasa ng Bagyong Florita.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *