Inihayag ng Department of Social Welfare and Development nitong Miyerkules na umaabot na sa 2,200 pamilya sa Luzon ang apektado ng pananalasa ng Bagyong Florita kasabay ng bahagyang pagbuti ng panahon at paghupa ng mga baha.
Ayon kay Social Welfare Undersecretary Marco Bautista, nasa 2,213 pamilya sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cordillera Administrative Region at Metro Manila ang itinuturing na “displaced” dahil sa bagyo – o katumbas ng 7,616 inidbidwal.
Kung matatandaan, nagpatupad ng evacuation ang ilang lugar sa Luzon noong Lunes at Martes bilang pag-iingat sa mga baha at pagguho ng lupang dulot ng Bagyong Florita at ayon kay Bautista, nakapagbigay ang ahensiya ng tulong sa mga apektadong pamilya, na sa ngayo’y nagkakahalagang higit P1 bilyon.
Dahil sa bahagyang pagbuti ng panahon at unti-unting paghupa ng baha, nagsimula nang umuwi ang mga lumikas sa evacuation center.
Ayon naman kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, walang naitalang nasawi sa pananalasa ng bagyo.
Sa Cagayan, may mga evacuee nang nakauwi pero marami pa rin ang hindi makabalik sa kani-kanilang mga bahay at ayon sa Task Force Lingkod Cagayan, hindi pa puwedeng makabalik ng bahay ang ilang evacuee dahil mataas pa ang tubig sa Cagayan River Basin.
Ngayong Miyerkoles, bumaba na sa 7.7 metro ang water level sa river basin mula 8.4 noong Martes.
Sa bayan ng Baggao, tinitingnan ng mga awtoridad kung accessible na ang 7 barangay matapos ma-isolate dahil sa pag-apaw ng ilog.
Pinadapa rin ng Bagyong Florita ang ilang taniman ng mais sa bayan, na isa sa mga pangunahing hanapbuhay ng mga residente.
Tig-isang tulay rin sa mga bayan ng Baggao, Iguig at Peñablanca ang kasalukuyang hindi madaanan.
Sinamantala ng mga local government unit at pulisya ang magandang panahon ngayong Miyerkoles para linisin ang mga kalsada, alisin ang mga natumbang puno, at magsagawa ng relief operations.
Naibalik na rin ang supply ng kuryente sa malaking bahagi ng probinsiya.
Samantala, matatagalan ang paglilinis ng Manila Bay Dolomite Beach matapos magkalat ang sandamakmak na basura na dala ni Bagyong Florita.
Ayon sa ilang MMDA metro aide, maaaring umabot ng isang linggo ang paglinis sa dolomite beach dahil sa dami ng basura. Pinaaalalahanan naman ang mga bisita sa beach na huwag magtapon ng basura at maaari silang pagmultahin ng P500.