Pati kamote rin

Kasunod nang pagtaas ng presyo ng asukal at ng asin nitong nakaraan, heto at may isa pang humahabol, dahil kinumpirma na ng Department of Agriculture (DA) na nabawasan ang suplay ng kamote sa bansa sa harap ng pagtaas ng presyo nito.

Ayon sa DA, nagsimulang mabawasan ang suplay ng kamote noong nakaraang buwan.

“Hindi masyadong lalaki ang kamote kapag tag-ulan. Sa ngayon, tag-ulan, kulang ‘yon. Talagang kulang (ang suplay),” sabi ni DA Undersecretary Domingo Panganiban.

“Medyo kakaunti ngayon pero pagdating na ng October, November, December, hindi na apektado ‘yan dahil lalaki na. At least, mumura na ‘yan,” paliwanag pa ng opisyal.

Sa Balintawak market, nagkakahalaga ang isang kilo ng kamote sa P45, mas mataas sa dati nitong presyo na nasa P25 hanggang P35 per kilo.

Sinabi rin ni Panganiban na nanggagaling ang mga kamote mula sa Central Luzon, Southern Tagalog, ay Northern Luzon — na hinagupit kamakailan ng bagyong Florita.

Inatasan na umano niya ang Bureau of Plant Industry na kumuha ng datos upang alamin kung hanggang ilan ang ibinaba ng suplay ng kamote.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority, lumilitaw na tumaas ang produksyon ng kamote sa bansa sa 278,330 metric tons mula Enero hanggang Hunyo 2022 kumapara sa 273, 090 MT na inani sa kaparehong panahon noong 2021.

Ngayong ganito na ang nagiging takbo ng mga presyo sa pamilihan, kanino na kaya tatakbo ang ating mga kababayang hanggang ngayon ay nagpipilit pa ring bumangon dahil iginupo ng pandemya ang mga pagkakakitaan at kabuhayan?

Kaya nananawagan kami sa pamahalaan, sana ay masigurong magiging maayos ang lahat upang kahit paano ay maibsan ang nararanasang hirap ng ating mga kababayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *