Patay sa pananaksak ng sariling ama ang isang lalaki sa Olongapo, Zambales, nitong Biyernes dahil sa alagang asong umihi sa kanyang silid.
Alas-4:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa loob ng pamamahay ng mag-ama sa Olangapo na pawang hindi na pinangalanan sa kahilingan na rin ng kanilang pamilya.
Ayon sa misis ng 35 anyos na biktima ay bigla na lamang umanong sinugod ng suspek (56) ang misis ng kanyang anak at sinampal ito dahil umano sa pag-ihi ng alagang aso nito sa kanyang silid.
Agad namang pumagitna ang biktima upang maawat ang pananakit ng kanyang ama sa kanyang misis ngunit siya naman ang pinagdiskitahan ng suspek at pinagsasaksak.
Agad ding tumakas ang suspek habang mabilis ding naisugod sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima, ngunit hindi na rin ito pinalad na mabuhay at nasawi rin kalaunan.
Napag-alaman naman sa misis ng biktima na lagi umanong nananakit ang suspek lalo na sa kanyang mga anak.
Sa ngayon ay patuloy na tinutugis ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong parricide.