ILLEGAL NUMBERS GAME SA MINDORO, LAGANAP DAW!

Hinihimok ngayon ang Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang umano’y ilegal na numbers game o Peryahan ng Bayan (PnB) na pinapatakbo umano ng ilang tiwaling indibidwal sa Calapan City, Mindoro.

Sa isang liham na ipinadala ni Philippine Charity and Sweepstakes Office (PCSO) branch manager Augusto Tordillas sa Police Regional Office IV-B MIMAROPA, sinabi rito na malinaw ang utos mula sa ahensya na ipinagbabawal ang numbers game.

Nitong buwan ipinadala ni Tordillas ang liham kay P/BGen. Sidney Hernia, regional director ng Police Regional Office IV-B MIMAROPA, P/Maj. Israel Cisco Magnaye, Battalion Commander of PNP Regional Mobile Force Battalion 40 ng Oriental Mindoro, at P/Col Anthony Ramos, chief of police ng Calapan City Police para humingi ng tulong upang masawata ang ilegal na operasyon ng PnB sa pitong bayan ng lalawigan.

Batay rin sa sulat, nagpapatulong sa lokal na kapulisan para ipatupad ang pagsupendi sa kautusan ng Office of the President, para pigilan ang mga tiwaling indibidwal at grupo na patakbuhin ang mga PnB sa syudad ng Calapan.

Sa paghingi nga asiste sa kapulisan, ipinaliwanag ng PCSO na ayon sa isang memoradum na inilabas ng Department of Interior and Local Government (DILG) noong Abril 22, 2022, inatasan ang PNP para makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan ng mga lalawigan at i- monitor ang operasyon PnB, kasama na ang pagsuspinde sa illegal na sugal.

Pero kahit na opisyal na sumulat na ang PCSO, wala pa ring ginawang hakbang ang lokal na kapulisan para pigilin ang operasyon ng mga PnB, na hindi nagbabayad ng buwis sa gobyerno.

Ang small town lottery o STL ang nag-iisang otorisado ng PCSO para magpatakbo ng number game sa buong bansa.

Tinawag na rin ng PCSO ang atensyon ni Mindoro Gobernador Humerlito Dolor para ipaliwanag na ang pamahalaang nasyonal lang ang may kapangyarihan para magbigay ng permiso at lisensiya para mag-operate ng mga legal na pasugalan.

Pero idiniin ng PCSO na ang kapangyarihan ng mga lokal na pamahalaan para magbigay ng prangkisa sa mga pasugalan ay tinanggal at napatupad na ayon sa Presidential Decree 711, at ibinigay lamang eksklusibo sa pamahalaan nasyonal.

Malaking tulong ang naibibigay na buwis ng mga legal na STL sa mga mahihirap na tao, samantalang ang ilang gahaman na opisyal ng lokal na pamahalaan ay nasa bulsa ng mga iligal na operator ng pasugalan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *