Tila natutulog sa pansitan ang ating mga kapulisan dyan sa Mindoro dahil laganap na naman daw ang illegal numbers game sa nasabing lalawigan.
Kung totoo ang balita na nakarating sa akin, aba dapat ngang imbestigahan ito ng ating mga kapulisan dyan at pigilan ang nasabing iligal na gawain.
May ilang tiwaling indibidwal umano na nagpapatakbo ng Peryahan ng Bayan dyan sa Calapan City, Mindoro, bagamat ipinagbabawal na ito ng Philippine Charity and Sweepstakes o PCSO.
Sumulat na umano ang PCSO kay P/BGen. Sidney Hernia, Regional Director of Police Regional Office IV-B MIMARAPO, P/Maj. Israel Cisco Magnaye, Battalion Commander of PNP Regional Mobile Force Battalion 40 ng Oriental Mindoro, at P/Col Anthony Ramos, chief of police ng Calapan City Police para humingi ng tulong sa pagsawata sa illegal na operasyon ng Peryahan ng Bayan sa pitong bayan ng lalawigan.
Batay sa sulat na nilagdaan ni PCSO Oriental Mindoro branch manager Augusto Tordillas, nagpapatulong sa lokal na kapulisan para ipatupad ang pagsuspendi sa kautusan ng Office of the President, para pigilan ang mga tiwaling indibidwal at grupo na patakbuhin ang mga Peryahan ng Bayan sa Calapan City.
Sa paghingi nga asiste sa kapulisan, ipinaliwanag ng PCSO na ayon sa isang memoradum na inilabas ng Department of Interior and Local Government noong Abril 22, 2022, inatasan ang PNP para makipagtulungan sa mga lokal na pamahalaan ng mga lalawigan at i- monitor ang operasyon Peryahan ng Bayan, kasama na ang pagsuspinde sa illegal na sugal.
Pero kahit na opisyal na sumulat na ang PCSO, wala pa ring ginawang hakbang ang lokal na kapulisan para pigilin ang operasyon ng mga iligal na sugal, na hindi nagbabayad ng buwis sa gobyerno.
Ang small town lottery o STL ang nag-iisang otorisado ng PCSO para magpatakbo ng numbers game sa buong bansa.
Tinawag na rin ng PCSO ang atensyon ni Mindoro Gobernador Humerlito Dolor para ipaliwanag na ang pamahalaang nasyonal lang ang may kapangyarihan para magbigay ng permiso at lisensiya para mag-operate ng mga legal na pasugalan.
Ayon kasi sa PCSO tinanggalan na anya ng kapanyarihan ang mga lokal na pamahalaan para magbigay ng prangkisa sa mga pasugalan alinsunod sa Presidential Decree 711 at tanging ang pamahalaang nasyunal lamang ang may esklusibong kapangyarihan para magbigay ng prangkisa sa nasabing pasugalan.
Kung mapipigilan ang ganitong gawain, lalakas ang kita ng mga otorisado at ligal na numbers game kagaya ng STL kung saan maraming mga kababayan natin ang makikinabang dito.
Malaking tulong ang naibibigay na buwis ng STL sa mga mahihirap na tao, samantalang nakapatong naman sa mga iligal na operator ng pasugalan ang ilang gahaman na opisyal ng lokal na pamahalaan.
Sa pagkakaalam ho natin may natatanggal na STL shares mula sa PCSO ang mga lokal na pamahalaan kada taon kung saan maaari nila itong gamitin sa mga social services na ibinibigay nila sa kanilang constituents.
Ganundin ang ating law enforcement agencies, meron din silang natatanggap mula sa PCSO bilang bahagi ng mandatory contribution ng ahensya sa iba’t ibat sangay ng gobyerno kung saan maaring gamitin ang nasabing pundo para sa kanilang medical and health programs.
Sana maging seryoso ang ating mga kapulisan at mga lokal na pamahalaan sa pagsugpo sa mga illegal numbers game.