SHIFTING SA KLASE IPINATUTUPAD

Kakulangan sa classrooms ang itinuturong dahilan ngayon kung kaya mayroong shifting ng mga klase ang ipinatutupad sa ilang mga paaralan sa bansa sa pagsisimula ng klase nitong buwan.

Sa Marikina City, higit 5,000 ang ang naka-enroll na estudyante sa Sta. Elena High School at ang mga estudyante roon ay naghahati-hati sa nasa 100 classroom sa buong araw ng pagpasok sa eskuwelahan.

“’Yong aming morning ay Grade 7, Grade 10 at Grade 12. ‘Yong Grade 12 po namin kasi nasa online, kasi masyado po silang marami, nasa 800 plus po iyon, hindi kakayanin ng aming kuwarto na 50 katao lang ang capacity. ‘Yong panghapon naman po namin ay Grade[s] 8, 9 at 11,” paliwanag ng assistant principal na si Olive Lomibao.

Hati rin sa face-to-face classes, online classes at paggamit ng modules ang paraan ng pagtuturo sa paaralan.

Pero ang pagkakaroon ng shifting ay isa umano sa mga paraan upang masigurong hindi mapupuno ng estudyante ang paaralan at maipapatupad ang health and safety protocols laban sa COVID-19, kabilang ang pagkakaroon ng hiwalay na entrance at exit para sa mga papasok at uuwing mag-aaal.

Hiwalay din ang pasok ng mga guro na pang-umaga at pang-hapon kaya may oras na makakapagpahinga at makapaghahanda sila ng mga lesson plan.

Kung dalawang shift ang pasok sa Sta. Elena, tatlong shift naman ang sa Manuel L. Quezon Elementary School sa Caloocan dahil sa dami ng mag-aaral at kakulangan ng classroom at nasa 4,259 estudyante ang maghahati-hati sa 32 classroom.

Pero may epekto rin umano ang pagkakaroon ng tatlong shift ng paaralan sa mga guro.

“Wala pong reklamo iyan basta para sa mga bata, pero ‘yon nga, medyo pagod sila dahil mayroon na tayong face-to-face classes, mayroon pang asynchronous,” sabi ng principal na si Moises Tamondong.

“Sana po ay madagdagan ang aming classrooms kasi malayong malayo po sa ideal na bilang ng mga bata ang classroom po namin,” dagdag niya.

Sinegundahan naman ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) ang pahayag ni Tamondong.

“Mas malakas ang impact nito sa mga mag-aaral kasi mababawasan ‘yong class hours nila kasi kung 3 shifts ang isang school, ibig sabihin 4 hours na lang ang maximum oras ng pag-aaral nila, so nawalan sila sa ganoong punto,” ani TDC Chairperson Benjo Basas.

“Sa mga guro naman natin, kung hindi maayos ang schedule na iyan, very likely ang mga teachers natin mago-overtime dahil nga 3 shifts iyan,” ani Basas.

Ayon sa Department of Education (DepEd), may 91,000 kulang na classroom pero kumalahati na ito dahil sa blended learning.

Naglaan na rin ng pondo ang ahensiya para matugunan ang kakulangan ng classroom, sabi ni DepEd Spokesperson Michael Poa.

Magugunitang ipinag-utos ni DepEd Secretary at Vice President Sara Duterte na hanggang dulo ng Oktubre na lang maaaring ipatupad ang blended learning at kailangang mag-full face-to-face classes na ang mga paaralan pagdating ng Nobyembre.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *