Hanggang ngayon ay hindi pa rin nasasawata ang COVID-19 pandemic sa bansa at nitong mga nakaraan nga ay nakapagtatala ang Department of Health (DoH) nang pagtaas ng bilang ng kaso nang mga nahahawa sa nakamamatay na sakit.
Sa kadahilanang iyan kaya patuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng mga health at safety protocols sa bansa gaya nang pagsusuot ng mask, paghuhugas ng kamay at social distancing.
Ang mga protocols na ipinatutupad ay ang mga pinakamabisang paraan upang mapigil ang pagkalat pa ng COVID-19 kaya naman napapanatili pa rin ng bansa na hindi magkaroon ng panibagong surge ng hawahan.
Pero nitong nakaraan, naglabas ng kautusan ang siyudad ng Cebu City na gawing opsyonal ang pagsusuot ng face mask sa kanilang lungsod.
Sa utos na inilabas, non-obligatory na ang pagsusuot ng face mask sa mga open space, habang binibigyan ng discretion ang mga establisimyento kung dapat bang magsuot nito sa kanilang mga pasilidad.
Pero kailangan pa rin umanong magsuot ng face mask sa mga ospital.
Paliwanag ni Cebu City Mayor Michael Rama sa executive order, nababawasan na ang malulubhang banta kontra COVID-19 at napatunayang epektibo ang pagbabakuna sa pagkontrol ng pagkalat ng sakit.
Sa EO, ipinunto rin ni Rama na nagiging magastos ang pagsusuot ng face mask.
“The long and mandatory wearing of face mask had affected the person as a biopsychosocial and spiritual being,” saad pa ng Cebu mayor.
Pero ang kautusan ay kinontra ng Department of Health, na nagsabing hindi sila nakonsulta sa pasya ng city government.
Iginiit ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na hindi puwedeng magsarili ang siyudad sa pagpapatupad ng nasabing polisiya.
“It can’t be an island across all islands. Hindi pwede na may isang lugar sa ating bansa na nagpapatupad ng kanilang protocol, samantalang the rest of the country are implemeting the other side from the protocols, or magkaiba,” saad ni Vergeire.
Dahil lumuwag na ang restrictions, mas madadagdagan ang pangambang tumaas muli ang kaso ng COVID-19 hindi lang sa mga residente kung ‘di maging sa mga bibisita ng bansa.
“Sana iproseso natin. Let us do this with a one-nation approach na hindi po tayo magkakaniya-kaniya. Let us try to follow our protocols right now. We will further study after this kung maari na, kapag nakita natin na nakapagbigay na tayo ng adequate protection to our population through our vaccinations,” dagdag pa niya.
Sana naman ay linawin na ng mga kinauukulan ang kaugnay sa kautusan ng Cebu City government, dahil maaaring makaapekto ito sa COVID-19 response na ipinatutupad sa bansa.