Bilisan ang pagbabakuna

Ngayong nagsisimula na ang COVID-19 response ng bagong administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., inilunsad nito ang “PinasLakas campaign” na layong mabakunahan pa ang mas maraming Pilipino laban sa nakamamatay na sakit.

Hanggang ngayon kasi ay hinahabol pa rin ng bansa na makamit ang tinatawag na herd immunity kaya naman inaanyayahan ang lahat na magpabakuna at magpaturok ng booster shots laban sa COVID-19.

Pero ayon sa Department of Health (DoH),nasa higit 2 milyong katao pa lang ang nababakunahan ng booster shot sa ilalim ng “PinasLakas campaign” ng ahensya.

Sa 23 milyong target mabakunahan sa unang 100 araw ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Oktubre, nasa 2.1 milyon pa lang ang nakakakuha ng booster shot.

Nasa 25,638 pa lang ang mga senior citizen na nabakunahan o maliit na porsyento ng 1.07 milyon na target.

Iyan ay kahit puspusan ang hakbang ng DoH para ilapit sa publiko ang bakuna.

Halimbawa, sa Makati, sinimulan na sa ilang paaralan ang pagbabakuna kontra COVID-19 bilang pakikiisa sa kampanya ng DOH.

Puwedeng sa Don Bosco Technical Institute of Makati na mismo magpabakuna ang mga estudyante, faculty admin staff, pati kanilang mga kaanak.

Nakatakda ring ilunsad ang kaparehong programa sa Centro Escolar University sa susunod na linggo.

Nasa 19,279 na ang mga vaccination site sa buong bansa.

“This is a result of the waning immunity of the population. Mas malala ang makukuha niyong sakit kung hindi po kayo bakunado dahil ito pong ating mga fully vaccinated, although they are admitted and they have severe infections, they are thriving more than those unvaccinated,” saad ni DoH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.

Mahalagang magpabakuna at magpabooster shot ngayon dahil hindi biro ang banta ng COVID-19 at nang mga naglalabasang bagong variant nito.

Wala naman sigurong mawawala kung magpapabakuna at magpapabooster ang lahat.

Sayang naman ang pinaghirapan ng nakaraang administrasyon na mabakunahan ang lahat kung magkakaroon pa rin nang panibagong COVID-19 surge.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *