Inihayag ng Department of Social Welfare and Development sa Davao na wala na ang mahabang pila sa ikatlong Sabado ng pamamahagi ng AICS educational cash aid ng ahensya matapos sinuspinde ang requirements submission dahil umabot na sa 150,000 ang natanggap na aplikasyon ng DSWD Davao.
Ayon sa DSWD Davao region, nakatutok na lamang sila sa payout ng mga nakapagsumite na ng requirements at pumasa sa assessment.
Sa ilang mga ulat mula sa iba’t ibang provincial satellite office at regional office ng DSWD Davao region, dagsa pa rin umano ang mga magulang at estudyante sa mga opisina para kunin ang kanilang ayuda.
Ayon sa DSWD Davao, patuloy pa rin ang assessment sa mga kliyenteng nakatanggap ng mensahe mula sa opisyal na contact number ng ahensya sa Davao City regional office, Davao Oriental at Davao del Norte satellite offices.
Sa Davao Occidental satellite office naman, maagang nagsimula ang pamamahagi ng ayuda.
Sa Davao del Sur satellite office, pinapaliwanag ng mga support staff sa mga kliyente ang tungkol sa “no walk-in policy”.
Sa Davao de Oro satellite office naman, agad umuwi ang mga walk-in matapos inanunsyo ulit ang tungkol suspensyon ng drop box.
Sa pinakahuling pahayag ng DSWD Davao, hindi pa nila masabi kung kailan ipagpatuloy muli ang pagtanggap ng requirements ng cash aid.
Samantala, umabot sa 650 students-in-crisis ang target mabigyan ng student financial assistance ng DSWD sa lungsod ng Borongan, Eastern Samar.
Ang mga ito ay mayroong confirmed online applications o nabigyan ng priority bago pumila ngayong Sabado.
Mas mabilis at organisado ngayon ang pamimigay ng ayuda dahil tatlong lugar ang venue.
Ang isang venue ay sa Canuctan Hall, Eastern Samar State University o ESSU Main Campus, para sa mga estudyante sa kolehiyo.
Samantala, sa mga covered court sa mga barangay ng Taboc at Sabang South ay para sa elementary at high school na estudyante.
Matatandaan na noong nakaraang Sabado umabot sa madaling-araw ng Linggo ang pamimigay ng ayuda dahil maraming nakapila at isa lamang ang venue.
Mahigpit na ipinatutupad ang pagsuot ng face mask sa mga nakapila para kumuha ng ayuda.