Ngayong napapabalita nang mayroon nang naitatalang pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa National Capital Region, doble na rin ang ginagawang hakbang ng pamahalaan upang masigurong ang mga Pilipino ay mababakunahan laban sa nakamamatay na sakit.
At ang pinalakas na kampanya nang pagbabakuna – na tinaguriang PinasLakas – ay naglalayong maiparating sa lahat ng dako ng bansa ang mga bakuna at booster shots laban sa COVID-19.
Kamakailan lang ay inilunsad ng Department of Health (DoH) sa Bohol province ang panibago nitong COVID-19 vaccination campaign.
Nagdaos ng ceremonial vaccination sa isang mall sa Tagbilaran City bilang paglulunsad ng “PinasLakas” at kabilang sa mga dumalo upang tanggapin ang kanilang booster shots sina Governor Aris Aumentado at dating Tagbilaran City Mayor Baba Yap.
“So our economy will return to normal, we must vaccinate so we can also welcome investors,” sabi ni Aumentado.
Balak ng probinsyang dagdagan ang mga vaccination site sa mga mall.
Naabot na ng Bohol province ang target nitong mabigyan ng primary dose ang halos lahat ng populasyon, pero kailangan pa umanong paigtingin ang pagbabakuna sa senior citizens dahil nasa 32 porsiyento pa lang ito.
Ayon naman kay Tagbilaran Mayor Jane Yap, nagpakalat na rin sila ng mobile vaccination bus sa mga barangay sa lungsod.
Aminado naman si Dr. Jaime Bernas, direktor ng DOH sa Central Visayas, na hirap silang abutin ang mga target na binigay ng bagong Marcos administration.
May komento rin si Bernas sa pasya ng Cebu City at Iloilo City na gawing optional ang pagsusuot ng face mask.
“We at the health sector are firm that it will be conscience of the people to decide when to wear or not wear the mask. We will remain to remind them of health standards,” dagdag niya.
Dapat lamang palakasin pa ang kampanya ng pagbabakuna laban sa COVID-19 dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin natatapos ang pandemya.