‘Work overload’

Ipinagdiriwang ngayong buwan ang taunang National Teachers’ Month (Setyembre 5 hanggang Oktubre 5) kung saan layunin ng pagdiriwang na ito na bigyang-pugay ang husay at kadakilaan ng mga Pilipinong guro na patuloy na nagbibigay ng hindi matatawarang dedikasyon para sa pag-abot ng pangarap ng bawat batang Pilipino.

Pero imbes na magsaya at ipagdiwang ang buwang ito, kalbaryo ang sinasapit ng ilang mga guro natin. Lingid kasi sa kaalaman ng karamihan, marami sa ating mga guro ang nagrereklamo sa sobrang napapagod dahil sa dami ng teaching load na kanilang hina-handle.

Inaamin naman ng Kagawaran ng Edukasyon na mga eskwelahan talaga na kulang na kulang ng mga guro kung kaya’t marami sa ating mga guro ang ‘overworked’ sa dami ng teaching loads at assignments ang binibigay sa kanila.

Kaya naman dapat lamang na seryusuhin ng kagawaran ang bagay at hanapan kaagad ng agarang solusyon ang nasabing problema. Sa dami ng trabaho ng trabaho nila, baka naman masakripisyo pa ang pagkatuto ng mga mag-aaral lalo na’t may kinakaharap tayong ‘learning loss” bunsod ng dalawang taong na walang face-to-face classes dahil sa pandemya.

Pero ayon sa DepEd unti-unti raw nilang tutugunan ang problemang ito. Sa pulong-balitaan noong nakaraang linggo ay inamin naman ni DepEd spokesperson Michael Poa na may mga guro talaga na loaded pero meron din naman eskwelahan anya na sobra-sobra naman ang kanilang mga guro. Ang ginagawa ng kagawaran sa mga eskwelahan na may excess teaching staff ay inililipat nila doon sa may kakulangan.

Sinabi ng DepEd na mahigit sampung libong mga guro ang kanilang iha-hire para sa susunod na taon. Nag-isyu na rin ng memorandum ang kagawaran para ipaalala sa lahat ng kanilang regional offices na punuin muna yung mga bago at bakanteng teaching items para sa taong ito.

Sinabi rin ng kagawaran na magpapatayo sila ng mga karagdagang school buildings sa susunod na taon para matugunan ang kakulangan ng mga klasrum sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa bilang paghahanda sa muling pagbabalik ng full implementation ng in-person classes sa bansa.

Sa isang pahayag, muling nanawagan sa pamahalaan ang Teachers’ Dignity Coalition (TDC) na i-prioritize ang pagtatayo ng mga bagong klasrum at mag-hire nang mas marami pang mga guro para sa susunod na taon. Ayon sa grupo, ang dalawang bagay na ito ang syang pangunahing hadlang sa isang ligtas na pagbabalik-eskwela sa gitna ng pandemya.

Ayon sa TDC, sa unang tatlong linggo pa lang ng pasukan talagang problemado na ang ating mga paaralan. Anila, maraming kulang na classrooms at kung sapat man ang classroom, wala namang teachers to handle classes. At kung hindi bibigyan ng budget ang pagpapapagawa ng mga bagong klasrum ganito pa rin ang mangyayari sa mga susunod na taon.

Pero ayon sa DepEd mahigit 40,000 classrooms ang kanilang ipapatayo para sa susunod na taon. Ayon sa ahensya, mahigit 90,000 classrooms ang kakulangan sa ngayon.

At kung hindi ito matutugunan kaagad-agad eh talagang magkakaroon ng congestion o pagsisikip sa mga klase kasi ang nangyayari yun dalawang klase ay pinag-isa na lang. At kahit pa umano may ganitong paraan pa sa mga eskwelahan, nadodoble pa rin ang trabaho ng mga guro dahil sa dami ng mga dapat turuan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *