12K manggagawa, kailangan sa railway projects

Sinabi ng Department of Transportation (DoTr) nitong Biyernes na nangangailangan sila ng nasa 12,000 na manggagawa para sa mga railway project sa bansa.

“Ang estimate ho namin at least…initially 12,000 ang mga manggagawa. Ongoing na rin naman ang proseso ng paghahanap na ‘yan,” sabi ni DoTr Undersecretary Cesar Chavez.

Dagdag niya, kailangan ang mga trabahador para sa konstruksyon ng Metro Manila Subway at North-South Commuter Railway projects.

“Yung subway natin, mula east Valenzuela ang station, susunod niyan ang Quirino, Tandang Sora, pati na ang North Avenue, ongoing ang construction dyan,” saad ni Chavez.

“Tapos magsisimula na rin ang construction sa Shaw Boulevard at Ortigas station natin, ang susunod nyan, mga buwan lang ang pagitan magsisimula na rin anga pagco-construct ng station sa Katipunan tsaka sa Anonas of course kasama dyan yung ine-expect namin first quarter of 2023, magsisimula na rin yung East Avenue at North Avenue na station,” dagdag niya.

Sinabi rin ni Chavez na nangangailangan sila ng mga civil, mechanical, at electrical engineer, mga mason, at iba pang mga skilled worker.

Dagdag niya, magkakaroon din sila ng job fair sa Laguna sa katapusan ng Setyembre para makapaghanap ng mas maraming manggagawa. Ang mga karagdagang detalye, aniya, ay nakikita sa website ng DoTr.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *