Kasuhan ang recruiters!

Iginigiit ni Senador Raffy Tulfo sa pamahalaan na dapat makasuhan ang local at foreign recruitment agencies ng isang domestic helper na umano’y inabuso at namatay sa Saudi Arabia nitong nakaraan.

Ayon kay Tulfo – na siya ring chair ng Senate Committee on Migrant Workers – napag-alaman na sinasaktan ng recruiter ang Overseas Filipino Worker (OFW) na si Jovelyn Tang Andres at ayon pa sa kanya, hinaluan din umano ng gamot ang pagkain at inumin ni Andres hanggang malaglag ang kaniyang dinadalang sanggol, bago siya ipinasa sa ibang amo at namatay.

Sinabi ng senador na dapat ay sampahan ng kasong kriminal ang mga Saudi Arabian na may-ari ng Manabe foreign recruitment agency, ang local recruitment agency na Gulf Synergy Employment Inc., at ang isang babaeng nag-recruit umano kay Andres.

Inamin naman ni Arnulfo Babiera, presidente ng Gulf Synergy, ang pagkukulang sa pag-monitor sa lagay ni Andres at nagpaumanhin sa pamilya ng OFW sa sinapit nito.

Kahit may welfare officer ang kumpanya, wala umanong nakarating na ulat kay Barbiera ukol kay Andres mula sa Manabe, na hindi rin umano sumasagot sa mga email.

“Are you stupid or just trying to be stupid? …Hindi mo alam, ngayon mo lang nalaman? Paulit-ulit na binenta si Jovelyn tapos ngayon mo lang nalaman?” saad ni Tulfo.

Sinuspinde na ang lisensya ng parehong recruitment agency, ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Bernard Olalia. Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang ahensya sa Philippine Overseas Labor Office para sa aksyon.

Sinampahan na rin ng recruitment violation case ang mga naturang agency.

Nais din ni Tulfo na ipasilip sa DMW kung patuloy pa ring nag-o-operate ang Gulf Synergy sa ilalim ng ibang pangalan.

Tiniyak naman ni DMW Secretary Toots Ople na tatalakayin ang kaso ni Andres sa pagpunta ng isang opisyal ng ahensya sa Saudi sa susunod na buwan para hilingin mula sa mga awtoridad doon ang aksyon laban sa iresponsableng recruitment agency.

Panukala din ni Ople, i-criminalize ang pag-recruit sa pamamagitan ng ahente na kumikita ng komisyon.

Tiniyak naman ni DFA Undersecretary Eduardo de Vega ang tulong sa pamilya ni Andres.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *