SINGIL SA TUBIG, MAAARING MAAPEKTUHAN

Inihayag ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na posible umanong magkaroon ng paggalaw sa singil sa tubig sa susunod na taon dahil apektado na ito sa patuloy na paghina ng halaga ng piso kontra US dollar sa merkado.

Ayon kay MWSS Chief Regulator Patrick Lester Ty, kasama sa rebasing sa susunod na taon ang paghina ng piso.

“That will have an effect in the rates this coming January 1, 2023, so yes, it will have an effect,” sabi ni Ty sa isang pahayag.
“It will have an effect definitely, but we will try our best to minimize or at least spread this increase through the next five years, so ‘yun ang balak natin na hindi ho sana mabigla ang ating consumers,” dagdag niya.

Kung matatandaan, sumampa sa P59.02:$1 nitong Miyerkules ang palitan ng piso kontra sa dolyar sa pagsisimula ng kalakalan sa merkado pero bago tuluyang magsara, bahagyang nakabawi ang piso at pumako sa P58.98:$1.

Dahil dito, naputol ang ilang araw na sunod-sunod na all-time low ng piso na nagsara sa P58.99:$1 nitong Martes.

Noong November 2021, inaprubahan ng MWSS ang pag-alis ng Foreign Currency Differential Adjustment (FCDA) sa customer billing ng Manila Water Company Inc. at Maynilad Water Service Inc., at ginawa itong “transitory adjustment.”

Sinusuri tuwing ikatlong buwan ang FCDA na tariff mechanism para mabigyan ng pagkakataon ang mga concessionaires na mabawi ang lugi dahil sa paggalaw ng foreign exchange rates.

Dolyar ang ibinabayad ng mga concessionaire sa kanilang mga iniuutang para matustusan ang kanilang expansions at iba pang operating expenses.

“What we are doing right now, since there’s a revised concession agreement (RCA) that’s coming up, once that RCA is effective, then there will be no more FCDA,” sabi ni Ty.

“Sinama na namin sa rate rebasing para hindi na po every quarter nag-a-adjust ngayon at hinihintay na lang nating matapos ang rate rebasing,” dagdag pa niya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *