Ayusin kaagad

Habang dumarami na ang mga sasakyan sa kalsada bunsod sa pagluluwag ng restrictions na naglalayong pigilan ang pagkalat pa ng coronavirus disease partikular sa National Capital Region, dumarami na rin ang mga napapabalitang naaaksidente sa kalsada.

Ang ilang sa mga dahilan ay nawalan ng preno, naka-inom ang driver o sadya talagang walang may kasalanan subalit nakakapaminsala pa rin dahil sa mga hindi inaasahang pagkakataon.

Pero sa Maynila – partikular sa Roxas Boulevard – maraming mga motorista ang naaaksidente dahil umano sa mga kalsadang puno ng lubak at nitong nakaraan nga ay may naiulat na motorcycle rider na namatay sa naturang daanan matapos mawalan ng balanse nang mapadaan sa lubak at magulungan ng isang trailer truck.

Marami na rin umanong aksidente ang naitatala sa Roxas Boulevard lalo tuwing umuulan dahil hindi nakikita ng mga motorista ang mga lubak bunsod ng tubig at ilang binabahang parte ng kalsada.

Nitong nakaraan naman, sinabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na patuloy nilang kinukumpuni at tuloy rin ang rehabilitation works sa mga kalsada sa Roxas Boulevard.

Dagdag pa nila, nasisira ang kalsada dahil sa mga dumadaang overloaded na mga trak ginagawa nila ang lahat para makumpuni ito sa lalong madaling panahon.

Humihingi rin ng paumanhin ang DPWH sa lahat ng mga motoristang dumadaan at napeperwisyo nang dahil sa lubak.

Inaasahang matatapos ang road repair sa Roxas Boulvevard ngayong katapusan ng taon.

Sana naman ay bilisan ng ahensya ang pagsasaayos ng mga kalsadang ito dahil bukod sa isa ito sa mga madalas daanan ng mga motorista ay malapit rin ito sa mga pangunahing tanawin sa lugar gaya ng dolomite beach.

Kung maisasaayos ng matino ang mga kalsada, maiiwasan na rin ang pagkakaroon ng mga di inaasahang aksidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *