Mass shooting sa Thailand: 38 patay

Nasa 38 katao kabilang ang 24 na mga bata, ang bilang na ng mga napatay ng isang dating pulis sa panunugod nito ng kutsilyo at pamamaril sa isang child care center sa Thailand nitong Huwebes.

Ayon sa lokal na pulisya, ay alas-12:30 ng tanghali nang mangyari ang insidente sa Na Klang District ng Nong Bua Lam Phu, Northeastern Thailand.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Panya Kamrab, 34, dating miyembro ng police force na na-dismiss sa kanyang puwesto noong nakaraang taon dahil sa mga alegasyon sa droga at ngayon ay kasalukuyan ang paglilitis sa kaso nito.

Ayon kay police spokesperson Paisal Luesomboon, galing si Kamrab sa korte noong araw na iyon dahil sa niiitis na kaso nito, at pagkatapos ay pumunta sa Utai Sawan Child Development Center para kunin ang kanyang anak na lalaki, ngunit wala doon ang anak.
Doon na bigla na lamang umanong namaril at nanaksak ang suspek gamit ang isang meat chopper, saka sapilitang pinasok ang naka-locked na silid kung saan naroroon ang mga bata para sa kanilang nap time.

Sinabi ng mga awtoridad na pinatay ng suspek ang mga bata, na nasa 2-5 taong gulang, sa pamamagitan ng meat chopper at baril, idinagdag pa nito na, isang guro na buntis ng walong buwan ang pinagsasaksak din ng suspek hanggang sa mamatay.
Habang tumatakas ay nakapatay pa ng pulis ang suspek bago tuluyang sumakay sa kanyang puting pick-up truck, kung saan ay may 12 katao rin ang injured matapos niyang sagasaan.

Dumiretso sa kanilang bahay ang suspek at doon ay pinatay din nito sa pamamagitan ng pamamaril ang kanyang asawa’t anak bago binaril ang sarili.

Nagpahayag naman ng kanyang pakikiramay ang Prime Minister ng Thailand, at plano rin niyang bisitahin ang probinsiya sa Northeastern Thailand ngayong Biyernes.

Samantala, ayon sa Philippine Ambassador ng Thailand, ay wala namang naiulat na Fiipino na nasawi o nasaktan sa nasabing insidente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *