Tapatan ng gawa

Malaking isyu sa bansa ang mga pinapaslang na mga journalists at mga mamamahayag dahil na rin sa naging karanasan ng ating mga kababayan noong mga nakaraang administrasyon.

At nitong nakaraan lamang ay naging malaking isyu ang pagkakapaslang sa radio broadcaster na si Percival Mabasa o mas kilala bilang si Percy Lapid nang tambangan siya ng riding-in-tandem habang pauwi siya.

Halos lahat ay kinondena ang pagkakapaslang kay Mabasa – mula sa Palasyo hanggang sa mga kapwa mamamahayag – at inuudyukan na rin ng pamilya ang publiko na tumulong na sa imbestigasyo upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng radio broadcaster.

Nitong Miyerkules ng gabi ay nagpahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na poprotektahan ng kaniyang administrasyon ang karapatan ng mga mamamahayag at nababahala siya sa nangyaring pagpatay kay Mabasa kaya ipinag-utos ng kaniyang opisina ang agarang pagresolba sa kaso.

“For all our vision and aspiration, I underscore the crucial role of the press in building an active citizen, one that contributes to the development of our society,” sabi ng Pangulo. “Under my lead, we will support and protect the rights of the media as they efficiently perform their duty.”

Bagama’t maganda ang naging pahayag ng Pangulo, marami pa rin ang may nasasabi.

Nitong Huwebes, sinabi ng isang journalism professor na dapat ay “tapatan ng gawa” ang sinabi ng Pangulo na pagprotekta sa media.

“Para sa pangulo… hindi sapat ‘yung kaniyang retorika na siya ay ‘concerned’ sa nangyayari,” saad ni Danilo Arao, propesor sa University of the Philippines Diliman. “Tapatan niya ng aktuwal na gawa ‘yung kaniyang retorika at dapat siguraduhin niya na ito ay hindi na mauulit muli.”

Bumuo na ng special task group ang pamahalaan para busisiin ang nangyaring pagpatay kay Lapid.

Halos 200 na ang pinatay na peryodista mula noong 1986, sabi pa ni Arao.

“Hindi sapat ang salita para i-articulate ‘yung galit at ngitngit na nararamdaman natin ngayon. Kasi hindi lang ito dahil nangyari ito sa Maynila. Kundi ang fundamental na isyu dito, ba’t nagpapatuloy pa rin ito magpahanggang ngayon,” saad pa niya.

Dapat gawing prayoridad ng administrasyon ang pagresolba ng kaso ng pagpatay kay Mabasa, dahil magigig repleksyon ito kung ano tingin ng pamahalaan sa ating mga miyembro ng media.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *