Pakinggan ang panawagan

Kahit nagkaroon na ng solidong lead ang Philippine National Police kaugnay sa imbestigasyon nito sa pamamaslang sa radio broadcaster na si Percival Mabasa o Percy Lapid sa kanyang mga tagapakinig, hindi pa rin maiaalis sa mga kaanak ng broadcaster ang manawagan para sa hustisya.

Hanggang ngayon ay nananawagan pa rin ang kapatid ni Mabasa na si Roy Mabasa kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr na tutukan ang kaso ng pagpatay sa beteranong brodkaster.

Sinabi ng nakababatang kapatid ng radio broadcaster pinanood niya ang talumpati ng Pangulo at nalungkot umano siya dahil hindi man lang nabanggit ng Pangulo ang kaso ng kanyang kapatid.

Wala rin umanong inilatag na polisiya ang Pangulo para masolusyunan ang kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag.

Ayon pa sa kanya, mas magkakaroon ng tulong para sa kanila kung inilatag na ng Pangulo ang plano para maproteksyunan ang mga journalist sa harap ng mga mamamahayag na dumalo sa President’s Night.

Ayon kay Mabasa, ito na sana ang pagkakataon ng pangulo para ipakita ang mga plano sa proteksyon ng mga journalist lalo’t nakatutok ngayon sa kaso ang international community.

Sa ganang amin, hindi naman dapat ipagsawalang bahala ang ganitong klaseng pangyayari, dahil sa pagkakaalam namin ay ito na ang ikalawang kaso nang pagpatay sa isang mamamahayag sa ilalim ng administrasyong Marcos.

Bagama’t maraming ginagawa ngayon ang Pangulo lalo na at lampas na siya sa kanyang 100 days, dapat ay pagtuunan pa rin ng pansin ang ginawang pagpatay sa beteranong broadcaster dahil malaki ang implikasyon nito sa press freedom sa bansa.

Sana lamang ay matugunan nang maayos ng pamahalaan ang panawagan ng mga kaanak at pamilya ni Percy Lapid, dahil hindi biro ang mawalan ng isang kapamilya lalo na sa karumal-dumal na paraan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *