3 PRESONG NAGTANGKANG TUMAKAS, PATAY!

Napatay ng otoridad nitong Linggo ang tatlong detainee sa loob ng Philippine National Police (PNP) Custodial Facility sa Camp Crame, Quezon City matapos magtangkang tumakas at i-hostage si dating Senador Leila de Lima.

Ayon sa PNP, pasado alas-sais ng umaga nang umano’y saksakin gamit ng kutsilyo ng tatlo si Police Corp. Rogel Agustin na nagtamo ng mga saksak sa ulo at katawan.

Kinilala ng mga otoridad ang tatlong nagtangkang tumakas na sina Arnel Cabintoy, Idang Susukan and Feliciano Sulayao Jr.

Nang makita ni Patrolman Lorenz Matias ang nangyari, agad umano niyang binaril si Cabintoy at Susukan, habang si Sulayao ay nakapunta naman sa kinaroroonan ni De Lima at hinostage ang dating mambabatas.

Ayon kay Interior Secretary Benhur Abalos, maraming demand ang nang-hostage kay De Lima tulad ng hummer at helicopter.

Pero nabaril ng pulis na si Col. Mark Pespes si Sulayao habang nag-aabot ng tubig na hiningi ng detainee, ayon kay Abalos.

Ayon kay PNP chief Police General Rodolfo Azurin Jr., miyembro ng Abu Sayaff Group ang tatlong detainee na nahaharap sa kaliwa’t kanang kaso ng pagpatay at kidnapping.

Dinala sa PNP General Hospital si Agustin, na stable na ang kondisyon.

Maayos rin umano ang lagay ng isang inmate na nadamay at nagkaroon ng sugat sa kamay.

Tiniyak naman ni Azurin at ng legal counsel ni De Lima na si Filibon Tacardon na ligtas ang dating senador.

“Wala po siyang tinamong sugat at hindi siya nasaktan,” saad ni Tacardon.

Sa social media post, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kakausapin niya si De Lima para bigyan ito ng pagkakataong makalipat ng detention center.

“Following this morning’s incident at Camp Crame, I will be speaking to [former] Senator De Lima to check on her condition and to ask if she wishes to be transferred to another detention center,” saad ni Marcos.

Pero sa pagbisita ni Abalos kay De Lima, sinabi ng kalihim na tumanggi na ang dating mambabatas na magpalipat pa ng kulungan.

Ayon sa PNP, babalikan nila muli ang security measures sa loob ng custodial facilities at mas magiging mahigpit sa mga gamit na maaaring gawing armas o patalim.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *