Pababain pa

Isang magandang balita ang inihayag nitong Linggo ng mga health experts matapos nitong ianunsyo na bahagya umanong bumaba ang COVID-19 positivity rate sa Metro Manila at ilang probinsiya.

Sinabi ng OCTA Research na bumaba sa 18.1 porsiyento ang positivity rate sa National Capital Region (NCR) mula 19.1 habang ang positivity rate sa Batangas, Bulacan at Laguna pero pawang nasa lampas 10 porsiyento pa rin.

Ang positivity rate ay tumutukoy sa bilang ng mga nagpopositibo kompara sa bilang ng mga nagpapa-test.

Pero ayon sa grupo, nagtaasan naman ang positivity rate sa Cavite, Rizal at Tarlac na umabot lampas 20 porsiyento.

Kung matatandaan, limang porsiyento ang itinakdang benchmark ng World Health Organization para masabing kontrolado ang pagkalat ng COVID-19 sa isang lugar.

Nitong Sabado, naitala ang 2,197 bagong kaso ng COVID-19.

Tatlong araw nang mas mataas sa 2,000 ang naitatalang bagong kaso ng COVID-19 kada araw.

Nasa higit 27,000 naman ang bilang ng mga aktibong kaso sa bansa.

Bagama’t bahagya nang bumaba ang positivity rate, hindi pa rin ito dahilan upang maging kampante ang sambayanan, dahil nariyan pa rin ang banta ng pandemya.

Kaya paalala muli sa lahat, kailangang sundin pa rin ang itinalagang mga health at safety protocols gaya nang pagsusuot ng masks, paghuhugas ng kamay at social distancing.

Wala naman sigurong mawawala kung patuloy pa rin natin itong susundin dahil talaga namang kailangan nating pababain pa ang mga kaso nang nahahawa sa nakamamatay na sakit.

Ang mahalaga, hindi na kumalat pa nang husto ang COVID-19.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *