Inihayag ni Department of Justice (DoJ) Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Biyernes na pansamantalang inalis sa puwesto si Bureau of Corrections (BuCor) chief director general Gerald Bantag habang iniimbestigahan ang pagkamatay ng isang bilanggo sa New Bilibid Prison na umano’y “middleman” o tumawag sa mga taong binayaran para patayin ang broadcaster na si Percival Mabasa o Percy Lapid.
Ayon kay Remulla, mismong nanggaling kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang utos na suspindihin si Bantag nang magkausap sila nitong Huwebes.
“I went to the President to tell him about this… he asked me to preventively suspend Undersecretary, Director General Bantag of BuCor, so that there may be a fair [and] impartial investigation on the matter,” sabi ni Remulla.
Dagdag niya, si dating Armed Forces chief of staff Gregorio Catapang Jr. ang itinalaga ngayon bilang officer-in-charge ng BuCor at ayon pa sa kanya, “indefinite” ang pagkakasuspinde kay Bantag habang isinasagawa ang imbestigasyon.
“We cannot have a definite preventive suspension. It’s indefinite, as long as the investigation is there, as long as there are findings. Then let’s put the matter to rest,” saad ni Remulla.
Ayon sa department order na inilabas, effective immediately ang suspensiyon kay Bantag, at walang sahod sa loob ng 90 araw.
Samantala, ipinaliwanag naman ni DoJ spokesperson Mico Clavano na kailangan ilagay ang bilang ng araw ng suspensiyon sa department order dahil nakasaad ito sa 2017 ruling sa administrative cases sa Civil Service.
“The rules require a period to be stated. That is why we needed to put the 90-day period. But it will be renewed depending on the length and duration of the investigation,” sabi ni Clavano.
Sinabi naman ni Remulla na ipinaalam na niya kay Bantag kaninang umaga ang kautusan at ang Pangulo ang pumili kay Catapang na maging OIC ng BuCor.
“Kausap ko kagabi si Presidente. We agreed that he may be the best person to step in as OIC. Given his maturity, his ability to discern, his experience, he may be a good fit as OIC,” sabi ni Remulla.
Kung matatandaan, inanunsyo ni Remulla na nalaman niyang namatay noong Oktubre 18 sa ospital ng NBP ang sinasabing middleman sa pagpatay kay Lapid na si Crisanto Palana Villamor Jr., isang bilanggo.
Batay sa natanggap niyang impormasyon, dumaing daw si Villamor na hindi makahinga at namatay pagkaraan ng ilang oras.
Oktubre 18 rin nang ipresinta ng pulisya sa mga mamamahayag ang sumuko at nagpakilalang bumaril kay Lapid na si Joel Escoria.
Sa naturang araw, inihayag ni Escoria na nanggaling sa kulungan ang taong kumontak sa kanila para patayin si Lapid kapalit ng bayad na P550,000.00.
Samantala, ikinalungkot at ikinabahala naman ng isang grupo ng mga mamamahayag ang pagkamatay ng itinuturong middleman sa pagpaslang sa broadcaster na si Mabasa.
Naniniwala si National Union of Journalists of the Philippines Chairperson Jonathan de Santos na makapagpapabagal ito sa pagresolba sa kaso. Dagdag niya, dapat ipaliwanag ng mga kinauukulan ang pangyayari, lalo’t “suspicious” aniya ang timing ng pagkamatay ng umano’y middleman na si Crisanto Villamor Jr., at kung may kailangang managot ay panagutin ito.
“Concerning ito, syempre. We don’t really want to jump into conclusions, but we cannot discount din that his death does raise questions,” sabi ni De Santos.
“Magiging challenge ito to finding the mastermind of the killing of Ka Percy. Hindi natin maiiwasan magkaroon ng mga tanong kung paano nangyari ‘yun. In a way, either very convenient or very bad timing ‘yung pagkamatay ng middleman,” dagdag niya.