Mukhang hindi na talaga mapipigilan pa ang mga nangyayaring pagtaas ng presyo ng krudo sa bansa lalo na ngayong nagpapatuloy pa rin ang kaguluhan sa mga ibang bansa na nakakaapekto sa paggalaw ng presyo sa pandaigdigang merkado.
Dito sa atin, halos nasa P6 ang itinaas ng diesel matapos ang ilang linggong papiso-pisong pagbaba ng presyo, kaya kahit may dagdag-singil na sa pasahe ang ipinatutupad, hindi rin ito masyadong nararamdaman ng mga drayber.
Nitong Biyernes, iniulat naman na pagkatapos nang magkasunod na linggo na malakihang fuel price hike, asahan na mababawasan naman ito sa susunod na linggo, pero baka hindi umabot ng P1 bawat litro ang matapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon umano sa ilang industry sources, maaaring mabawasan ang presyo ng diesel ng mula P0.40 hanggang P0.70 per liter habang posibleng umabot naman ang tapyas sa presyo sa gasolina ng P0.20 hanggang P0.50 per liter.
Sinabi naman ni Oil Industry Management Bureau (OIMB) Director Rino Abad sa isang panayam na mataas ang indikasyon na magkakaroon nga ng rollback sa susunod na linggo.
Posible rin umanong hindi aabot sa P1 per liter ang magiging bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Ayon sa opisyal, kabilang sa posibleng dahilan ng fuel price rollback ay ang pagdududa ng global market kung babawasan ng Organization of Petroleum Exporting Countries (OPEC) ang produksyon nila ng langis ng dalawang milyong bariles sa susunod na buwan.
Nito lang nakaraang Martes, October 18, nagpatupad ng fuel price hike ang mga kompanya ng langis na umaabot ng P0.80 per liter sa gasolina, P2.70 per liter sa diesel, at P2.90 per liter sa kerosene.
Mas mataas naman ang itinaas sa presyo ng mga produktong petrolyo na ipinatupad sa sinundan nitong linggo. Sumipa ang halaga ng diesel dahil sa dagdag na P6.85 per liter. Habang P1.20 per liter sa gasolina, at P3.50 per liter sa kerosene.
Kaya sa ngayon, kailangan pa rin nating maghigpit ng sinturon dahil talaga namang hindi na biro ang hirap na nararanasan natin ngayon dahil sa pagtaas ng presyo ng krudo na nagiging sanhi rin ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Sana lamang ay makahanap na talaga ng mga hakbang ang ating pamahalaan upang makatulong na kahit paano ay maibsan ang hirap na dinaranas natin ngayon.