Kinumpira nitong nakaraan ng Department of Health na mayroon na ngang local transmission ang kakakumpirma pa rin lang na omicron subvariant sa bansa na XBB at XBC.
Ayon sa ahensya, may ebidensiya na umano na galing sa iisang lugar ang karamihan ng mga kaso.
“May nakikita tayong datos na nagsusuporta na localized ang transmission. Halimbawa sa XBB, karamihan ng mga kaso ay nahahanap sa Region 6 at ang mga kasong ito ay hindi na natin talaga nali-link sa isa’t isa. Either wala silang koneksIyon as to time or place to each other. So localized community transmission,” saad ni DoH Epidemiology Bureau director Dr. Alethea De Guzman.
Base sa datos na mayroon ang DoH, lumalabas na ang mga tinamaan ng delta variant pa rin ang may pinakaMataas na porsiyento ng mga pasyenteng nagkaroon ng malalang uri ng sakit.
Pinakamababa ang nagka-severe disease sa omicron variant, bagama’t ito na ang pinakalaganap na variant sa bansa, pinakakaunti naman ang porsiyento ng namatay bunsod ng nasabing variant, base sa datos ng sequencing.
Sa kabila nito, malinaw na hindi pa tapos ang pandemiya at nananatiling mahalaga ang pagsunod sa minimum health standards at pagpapabakuna.
Kaya naman kailangan ng doble at tripling pag-iingat ng ating kalusugan, dahil hindi na natin masasabi ngayon na hindi na kakalat pa ang nakamamatay na sakit.
Kaya muli naming paalala sa lahat, istriktong sundin pa rin ang mga health at safety protocols na nakasanayan na gaya nang pagsusuot ng mask, social distancing at palagiang paghuhugas ng kamay.
Hindi biro ngayon ang mahawa ng COVID-19 kahit pa mayroon nang mga bakuna.