Natatandaan niyo pa ba ang Philippine Identification System (PhilSys) o National ID?
Siguro naman ay halos lahat ay nakapagpa-register na para dito dahil isa ito sa mga programa noon na inilaan ng pamahalaan upang mas mapabilis pa ang proseso ng pagbibigay ng serbisyo para sa mga mamamayan.
Kahit kami ay excited dahil magiging daan nga naman ang pagkakaroon ng national ID upang makatulong sa lahat dahil isa na ito sa magiging opisyal na pagkakakilanlan ng mga mamamayan lalo na ng mga taong wala pang government-issued ID hanggang ngayon.
Yun nga lang, hanggang ngayon ay hindi pa rin ito nailalabas kahit halos isang taon nang nakapagparehistro ang ilan nating mga kababayan.
At nitong nakaraan lamang, naglabasan ang mga ulat na mayroon nang mga naibigay na national ID sa ilan na nating mga kababayan. Ang siste, nasa bond paper pa rin naka-print ang ipinamimigay na national ID at hindi isang card.
Ayon naman sa Philippine Statistics Authority (PSA) na ang dami ng mga nagpatala para makakuha ng National ID ang isa sa mga dahilan kaya naantala ng pag-imprenta ng mga ID card.
“The reason for the delay [in printing] is the high volume in the registration… We didn’t expect it,” saad ni PSA chief Dennis Mapa.
Paliwanag niya, hanggang nitong October 17 ay nasa 74.28 milyong Filipino na ang nagparehistro sa PhilSys o sumailalim sa pagkuha ng demographic and biometric information.
“This already represents 98.7 percent of the population ages 15 years and above… and represents 80 percent of target registrants for 2022,” sabi ni Mapa.
Sa naturang bilang, may kabuuang 51.23 percent ang sumailalim sa backend identity verification, “to determine if the person registering is unique.”
Ayon pa kay Mapa, nakapagbigay na ang PSA ng unique 12-digit PhilSys number sa mahigit 45 milyong nagpatala, mula iyan sa 51 milyon na sumailalim sa backend verification process.
“Out of this, we have already dispatched/turned over to the Philippine Post Office a total of 22.55 million PhilID cards,” saad niya.
Sa naturang bilang, sinabi ni Mapa na naipadala na ng PhilPost ang 17.6 milyong PhilID cards hanggang nitong October 14.
Nasa 19 na milyon naman ang itinuturing ni Mapa sa ngayon na backlog.
Maganda sanang programa ang national ID system dahil talaga namang malaki ang maitutulong nito sa improvement ng serbisyo.
Sana nga lamang ay maayos ng pamahalaan ang sistema para sa paggawa at pamimigay nito sa mga mamamayan. Baka isipin kasi na mapupunta lang sa wala ang pondong inilaan para dito.