Inihayag ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagkaroon umano ng hemorrhage o pagdurugo sa puso ang umano’y middleman sa planong pagpaslang sa broadcaster na si Percival Mabasa o Percy Lapid.
Sinabi ng NBI na nagkaroon umano ng hemorrhagic area sa left ventricle ng puso ng umano’y middleman na si Jun Villamor.
“The mitral valve is sclerotic, which could indicate previous illness or valvular infection,” saad pa sa consolidated initial report na inilabas ng NBI.
Ayon pa sa ulat, nalaman sa autopsy na walang “apparent sign of external physical injury” sa katawan ni Villamor.
Kung matatandaan, sinabi ni Bureau of Corrections spokesman Gabriel Chaclag na walang palatandaan ng physical external injuries ang katawan ni Villamor, na nangangahulugang posibleng natural ang kaniyang pagkamatay o walang nangyaring foul play.
Bukod dito, lumabas din sa initial report na negatibo ang COVID-19 antigen test ni Villamor at negatibo rin umano ang kaniyang katawan sa paraffin test, na tumutukoy kung nagbaril ang isang tao.
Huwebes nang nakaraang linggo nang ianunsyo ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na pumanaw ang middleman.
Ayon kay Chaclag na dinala si Villamor sa New Bilibid Prison Hospital matapos mawalan ng malay 1:30 p.m. nitong Oktubre 18 at kahit sinubukang maisalba si Villamor, idineklara ng medical officer na wala na siyang buhay ng 2 p.m.
Sinabi pa ni Chaclag na ang katawan ni Villamor ay nasa Eastern Funeral Services sa Alabang kung saan isinagawa ng medico-legal team ng NBI ang autopsy.
Si Lapid ay namatay sa pamamaril habang pauwi sa kaniyang tahanan sa Las Piñas City noong Oktubre 3 at pinangalanan ng self-confessed gunman na si Joel Escorial si Villamor bilang ang middleman umano sa kasunduang paslangin ang broadcaster.
Dismayado naman ang kapatid ni Lapid na si Roy Mabasa sa pagkamatay ng umano’y middleman, na sinabing “someone must be held accountable.”
Sinabi rin ni Mabasa nitong Sabado na nais ng pamilya Mabasa na magkaroon ng independent autopsy sa katawan ni Villamor.