Dahil nalalapit na ang obserbasyon ng Undaw o Araw ng mga Patay sa susunod na linggo, inaasahan na tataas umano ang presyo ng mga bulaklak sa Dangwa Market sa Maynila sa mga susunod na araw.
Ayon sa ilang mga nagtitinda ng bulaklak, pagpatak ng Oktubre 25 hanggang bisperas ng Undas ay posibleng tumaas ang presyo ng bulaklak dahil sa madalang na supply na galing sa ibang bansa.
“Madadagdagan ng P20 or P30 kumporme sa dating,” saad ng isang tindera ng bulaklak.
“Medyo hirap dating ng bulaklak kasi ‘yong galing ibang bansa, mahirap ‘yong supply,” sabi naman ng isa pa.
Ang Malaysian mums ay nasa P150 kada bundle habang ang Carnation naman ay nasa P220 kada 10 stem. Ang Casablanca at Stargazer ay nasa P150 naman kada stem.
Pumapalo sa P120 kada stem naman ang sunflower habang ang pula at puting rosas naman ay nasa P250 kada isang dosena.
Nasa P150 naman ang kada stem ng Ecuadorian roses at P90 naman ang kada stem ng tulips.
Para sa may mga extra panggastos, mayroon din umanong P550 hanggang P1,000 na flower arrangement na gawa sa orchids at Malaysian mums.
Pagdating naman sa kandila, naglalaro sa P90 hanggang P150 ang 4 na piraso kada pack. Nasa P185 naman ang 20 piraso ng small-size candle.
Naglalaro naman sa P185 hanggang P365 ang kandilang nasa baso.
Kung matatandaan, sinabi ng Manila city government na simula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2 ay hindi papayagang makapasok sa Manila North Cemetery at Manila South Cemetery ang hindi pa bakunado pati mga may edad 12 pababa.
“Mayroon na tayong inspection area na nandoon ‘yong ating mga kapulisan sila na ‘yong naka-assign para mag-inspect ng vaccine card,” sabi ni Roselle Castañeda, officer-in-charge ng Manila North Cemetery.
Bukas ang mga sementeryo sa mga nabanggit na petsa mula alas-5 ng madaling-araw hanggang alas-5 ng hapon.
Bawal ang ano mang uri ng sasakyan pero wala anilang dapat ipag-alala ang mga senior citizen at persons with disabilities dahil may inihahandang wheelchair.