Nakatakda nang sumabak sa Miss Planet International 2022 pageant ang komedyana at beauty queen na si Herlene Budol sa November 19 kaya naman tuloy ang ginagawang paghahanda ng actress-beauty queen sa nasabing international pageant.
Sa Uganda gaganapin ang grand coronation night ng second edition ng nabanggit na international pageant at ngayon pa lang ay excited na si Herlene para irepresenta ang Pilipinas sa buong mundo.
Ayon sa dalaga, binigyang-diin niya ang kanyang adbokasiya para sa tamang pangangalaga at pagrespeto sa ating “planeta.”
“Alam naman natin lahat grabe na ‘yung polusyon na nangyayari sa buong planeta. Para sa akin, bakit hindi natin subukang alagaan, i-save natin ‘yung planeta so ako ‘yung taong hindi conservative pero pilit matututong maging conservative. Sa akin, aaralin ko ‘yung mga bagay na hindi ko pa nalalaman so ako ang magiging sugo ng Planet International para sabihin sa bawat Pilipino, sa buong mundo na alagaan natin ang mga meron tayo dito,” sabi ni Herlene.
“Kasi hindi sa lahat ng bagay, magiging mabait sa atin ang planeta so alagaan natin, iligtas natin, at isave natin ang planeta,” dagdag niya.
Pinasalamatan din ni Herlene ang Binibining Pilipinas Charities dahil naging daan nga ito sa pagtupad sa kanyang mga pangarap, kabilang na ang makasali sa isang beauty pageant abroad.
“Nakaka-touch ‘yung Binibining Pilipinas, naging stepping stone ko siya para maabot ko ‘yung Miss Planet International kasi kung walang Binibining Pilipinas, hindi ko makikilala ‘yung Miss Planet International, hindi ako makakapag ibang bansa so sobrang happy po ako. Hindi po ako mangangako sa inyo ng masaya pero gagawin ko po ‘yung best sa pinaka-best pa para ‘di ko kayo ipahiya. Talagang gagawin ko ‘yung mas kaya ko pa. Itotodo ko ‘to at syempre iaangat natin ang Pilipinas, laban Pilipinas!” saad ng dalaga.